Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa, idineklara ng komite ng Kamara na may probable cause ang kasong impeachment na inihain laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Bumoto kahapon ang House Justice Committee, na pinamumunuan ni Oriental Mindoro 2nd District Rep. Reynaldo Umali ng 38-2 (pabor-hindi pabor) sa nasabing deklarasyon, na magbibigay-daan upang pormal nang sumailalim sa impeachment trial ng Senado ang Punong Mahistrado.
Nagbotohan ang mga kasapi ng komite matapos ang 18 pagdinig sa verified impeachment complaint na inihain laban kay Sereno ni Atty. Larry Gadon noong Agosto 2017. Ang huling 15 pagdinig ay tumuon lamang sa pagtukoy sa probable cause ng kaso.
Kasunod ng deklarasyon, nagmosyon si Majority Floor Leader, Ilocos Norte 1st District Rep. Rudy Fariñas sa pagbuo ng “small working body” na bubuuin ng mga vice chairman ng panel na gagawa ng committee report sa impeachment complaint, kabilang na ang napakahalagang Articles of Impeachment.
“I move that the committee constituted be given until Wednesday, March 14 to submit its report before this same body...this shall serve as notice to members,” ani Fariñas.
Bubuuin pa lang din ang House prosecution team na gagamit sa Articles of Impeachment bilang basehan sa pag-convict kay Sereno sa harap ng mga Senator-judge. Kapag napatunayang nagkasala, awtomatikong aalisin sa puwesto si Sereno, ang kauna-unahang babaeng Punong Mahistrado, at itinalaga ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III.
ANG 2 KUMONTRA
Tanging sina Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-Ao at Quezon City 6th District Rep. Jose Christopher “Kit” Belmonte, kapwa miyembro ng Liberal Party, ang dalawang miyembro ng komite na bumoto ng “no”.
Matatandaang nilitis at na-impeach din ang hinalinhan ni Sereno, ang yumao nang si Chief Justice Renato Corona.
Noong nakaraang taon, ipinursige ni Gadon, kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang pagpapatalsik sa puwesto kay Sereno dahil sa culpable violation ng Konstitusyon, graft, betrayal of public trust, at iba pang high crimes.
SA SENADO MAGKAKATALO
Inihayag naman ng kampo ni Sereno na inaasahan na nila ang naging desisyon ng House Justice Committee para tuluyang litisin ang Punong Mahistrado.
Iginiit naman ni Atty. Jojo Lacanilao, isa sa mga tagapagsalita ni Sereno, na sa Senado lalabas ang katotohanan sa mga ibinabatong alegasyon laban sa Punong Mahistrado.
PANAGUTIN ‘YAN
Kuntento naman ang Malacañang sa naging pasya ng komite, dahil nangangahulugan umano ito na gumagana ang impeachment process sa bansa.
“Patunay naman ito na gumagana ang ating mga proseso na nakasaad sa Saligang Batas, lalo na ‘yung proseso ng impeachment, na proseso para mapanagot ang pinakamataas na mga opisyales ng ating bansa,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque.
(ELLSON A. QUISMORIO, Beth Camia at Genalyn Kabiling)