Ni Aaron Recuenco
Patay ang isa sa limang magtotroso na unang naiulat na dinukot ng mga armadong lalaki, matapos itong maipit sa bakbakan ng militar at ng mga armadong grupo sa isang liblib na lugar sa Sirawai, Zamboanga del Norte, nitong Miyerkules ng umaga.
Ipinahayag ni Chief Insp. Helen Galvez, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula Regional Police, na ang bangkay ng biktima ay narekober sa Sitio Kabatunayan, Barangay Panabutan sa Sirawai matapos ang 10 minutong engkuwentro ng mga tropa ng pamahalaan sa 10 armadong lalaki.
Ang biktima ay nakilalang si Mario Rosales, alyas “Mario Ungok”, na kabilang sa limang magtotroso na dinukot ng mga armadong lalaki nitong Marso 3 sa naturang lugar.
“He was positively identified by his employer. He was allegedly killed in a crossfire during the brief firefight,” ani Galvez.
Naniniwala ang pulisya na humihingi ng ransom ang mga kidnapper nang tumawag sa kasamahang magtotroso ang isa sa mga biktima na nagsasabing humihingi ng P10 milyon ang mga suspek kapalit ng kalayaan ng mga binihag.
Nagkataon naman na nagpapatrulya ang mga sundalo at pulis sa lugar at namataan ang 10 armado na nagresulta sa engkuwentro, na ikinasawi ni Rosales.