Dudurugin na ng pamahalaan ang daan-daang luxury vehicle na pinigil sa Cagayan Freeport ilang taon na ang nakararaan, bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Duterte kontra sa smuggling.

Ito ang tiniyak ng Pangulo, na nagsabing bibisita rin siya sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) sa susunod na linggo upang saksihan ang pormal na pagwasak sa mga sports car at iba pang mamahaling sasakyang ipinuslit sa bansa.

“Dito sa CEZA puro bago. ‘Yung hinahanap ninyong Aston Martin, nandiyan ‘yan. Next week puntahan ko ‘yan,” sinabi ng Pangulo nang dumalo sa ika-145 anibersaryo ng Tarlac nitong Miyerkules.

Paliwanag niya, bibili siya ng bagong bulldozer at sasagasaan niya ang lahat ng nasabing sasakyan.

National

Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'

“Wala nang import-import,” pahayag ng pangulo.

Matatandaang iniutos ng Presidente ang pagwasak sa mga smuggled car upang hindi na ito isubasta, na maliwanag na babala niya sa mga car importer na hindi nagbabayad ng buwis.

Sinadya rin aniyang iwan ng mga smuggler ang mga kotse sa lugar at maghintay nang ilang buwan hanggang sa desisyunan ng Bureau of Customs na ibenta ang mga ito sa pamamagitan ng pagsubasta.

Nakikipagsabwatan din, aniya, ang mga customs agent sa mga smuggler dahil ipinapaalam ng mga ito ang planong pagsubasta sa mga imported na kotse. (Genalyn D. Kabiling)