Ni Roy C. Mabasa

Nanawagan ang matataas na opisyal mula sa China na magtayo ng national park sa pinagtatalunang South China Sea (West Philippines Sea) upang higit na mapreserba ang marine ecology sa rehiyon.

Ayon kay Deng Xiaogang, Deputy Communist Party Secretary ng Sichuan, napakahalagang maprotektahan ang natatangi at mayamang kalikasan sa South China Sea, lalo na dahil ang ilang likas na yaman tulad ng coral reefs, ay napakaselan.

Sinabi ni Deng sa state-owned daily Global Times sa sidelines ng taunang pagpupulong ng National People’s Congress (NPC) nitong Martes na ang pagtatayo ng national park ang dapat na susunod na hakbang para lalong maprotektahan ang ekolohiya ng rehiyon.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sinabi ng isa pang NPC deputy na si Wang Changren, Party chief ng Hainan Tropical Ocean University, na ang pagtatayo ng national park sa pinagtatalunang rehiyon “can improve people’s awareness of the region’s importance, and the South China Sea should be a textbook for marine protection in China,”

Iginiit ni Wang na hindi dapat maging hadlang sa panukala ang mga iringan sa teritoryo. Sa halip, dapat na magkasundo ang mga umaangking bansa na protektahan ang marine ecology ng malawak na karagatan.

Ilang bansa ang magkakasalungat sa mga inaangking bahagi ng South China Sea, kabilang na ang Pilipinas, Vietnam, Brunei, Taiwan at Malaysia. Inaangkin naman ng China ang halos buong karagatan.

Ang mga salungatang ito ay itinuturing na posibleng pinakamapanganib na iringan sa Asia.