NI Fer Taboy
Malaliman ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa anim na loan cooperatives na pawang inireklamo ng mahigit 70 pulis dahil sa labis na paniningil.
Nagtungo ang 74 na pulis sa Region 11 upang ireklamo ang GCSMPC, KOOP PULIS, PULIS KAPIT BISIG, TAGAPAGTAGUYOD, YAKKAP at FFMC cooperatives dahil sa labis na pagkaltas sa kanilang sahod at haba ng panahon sa pagbabayad.
Dahil dito, pansamantalang ipinatigil ni PNP Chief Police Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang buwanang pagkaltas sa sahod ng mga pulis na nagsisilbi nilang hulog sa kanilang mga utang sa loan cooperatives.
Paliwanag ni Dela Rosa, nagdesisyon siyang ipatigil ang pagbabawas ng PNP-finance service upang linisin ang pangalan ng PNP sa paratang na kumikita ang ilang opisyal sa pagpapautang ng mga kooperatiba.
Tiniyak ni Dela Rosa na iimbestigahan ng PNP kung nagmalabis ang mga naturang kooperatiba sa pagpapautang.