Ni Angelli Catan
Nalalapit na ang summer at kanya kanya na ang plano ng iba na magbakasyon at magpunta sa beach, mamasyal sa iba’t ibang parte ng Pilipinas o magpunta sa ibang bansa. Pero kasama ng pagplaplano, siyempre pa, ang tungkol sa magagastos sa mga ito.
Kapag sinabing summer, kaagad na naiisip natin ay ang magbakasyon sa mga beach o resort pero marami pang ibang puwedeng gawin tuwing bakasyon na hindi na kakailanganing gumastos nang malaki.
Magandang alamin ang mga malalapit na pasyalan sa inyong lugar, tulad ng mga parke, kung saan pupuwedeng mag-picnic kasama ang pamilya. Bukod sa mga parke ay maaaring may malapit na bundok na pupuwedeng akyatin na hindi na kakailanganin ang guide. May mga lugar na malalapit lang sa atin na hindi pa natin napupuntahan, bagamat puwede naman nating mabisita nang libre, at hindi na kakailanganing gumastos nang malaki.
Kabilang din sa mga puwedeng pasyalan ang iba’t ibang museo sa Pilipinas. Karamihan ng mga museo ay mura o walang entrance fee, tulad ng National Museum.
Para sa iba na ayaw lumabas kapag summer dahil mainit, at mas gustong makatipid, marami ring pupuwedeng pagkaabalahan sa loob ng bahay. Isang magandang gawin ay ang magtanim ng gusto mong bulaklak o halaman, o di kaya’y gulay o prutas. Ayon sa mga pag-aaral, nakaka-relax ang pagtatanim o pagkakaroon ng sariling garden sa bahay.
Ang panahon ng summer ay panahon ng pamamahinga para sa iba, lalo sa mga estudyante. Kadalasan ay tamad tayong lumabas dahil sa init. Marami ang nagsasabi na tumataba sila tuwing summer, kaya isa sa mga maaaring gawin ay ang mag-ehersisyo. Pupuwede rin ang magbisikleta o mag-jogging sa umaga.
Ang iba naman ay ginagawang mas makabuluhan ang summer nila at nag-uumpisa ng bagong hobby o nag-aaral ng bagong skill o lengguwahe. Maaaring mag-enroll sa iba’t ibang workshop o seminar, pero maaari ring manood ng tutorial sa YouTube, lalo na kung gustong makatipid at kaya namang mag-aral ng mag-isa. Napakarami na rin ngayong online courses na libre at lubhang kapaki-pakinabang sa dagdag na kaalaman.
Para sa may mga anak at walang budget para magbakasyon, pupuwede namang gumawa sa bahay ng mga aktibidad na ikatutuwa ng mga bata. Kung malaki ang bakuran, maaaring maglagay ng isang inflatable pool para hindi na lalayo pa sa pagsi-swimming. Pupuwede ring maglaro ng iba’t ibang sports kasama ang mga bata.
Magandang gawin din ang mga DIY games o laruan, kung saan hindi lang mag-e-enjoy ang mga bata kung hindi may mga bago rin silang matututuhan.
Siguradong marami pang ibang pupuwedeng pagkaabalahan maliban sa mga nabanggit, lalo na kung kusa kang maghahanap ng paraan upang mas ma-enjoy mo ang paparating na summer. Kailangan lang tandaan na hindi kailangang gumastos nang malaki upang gawing super enjoy ang pinakaaabangang summer vacation.