Ni BETH CAMIA, ulat nina Tara Yap at Leslie Ann Aquino

Magdedeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng state of calamity sa Boracay Island bunsod ng lumalalang environmental problem sa lugar.

Inaasahan na umano ng Pangulo ang malaking bilang ng mga pamilyang maaapektuhan sa pagpapatupad ng batas, partikular na ang Forest Land for Tourism Purposes.

Pinangangambahan din ng Punong Ehekutibo ang pagpapasara sa mga negosyo sa Boracay dulot na rin ng kontrobersiya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nanawagan din ang Pangulo sa hukuman, partikular na sa Regional Trial Court, na huwag sumawsaw sa problema sa Boracay sa pag-iisyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa anumang hakbangin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Gagamitin din, aniya, ng pamahalaan ang calamity fund para matulungan ang mga maaapektuhan sa pagpapatupad ng batas.

Nilinaw din ng Pangulo na ipauubaya na lamang niya kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang pagdedesisyon sa usapin.

Kaugnay nito, inaasahan nang magreresulta sa pagdami ng mawawalan ng trabaho sa Western Visayas ang planong pansamantalang isara ang Boracay.

Sa inilabas na pahayag ng Department of Labor and Employment (DoLE), tataas ng 5.6 porsiyento—mula sa 3.2% noong 2016—ang mawawalan ng trabaho ngayong taon.

“Boracay’s possible closure can contribute to the region’s unemployment problem,” paliwanag ni Atty. Johnson Cañete, director ng DoLE-Region 6.

Sa nakaraang pagdinig sa Senado, ibinunyag ng business group na Boracay Foundation Inc. na aabot sa 90,000 mangagagawa ang mawawalan ng trabaho o pagkakakitaan, bagamat sa listahan ng pamahalaang bayan ng Malay ay nasa 17,735 ang registered worker sa isla.

Tiniyak naman ng DoLE na magbibigay ito ng emergency employment assistance sa mga mawawalan ng trabaho sa Boracay, at sinabi ni Undersecretary Joel Maglunsod na isasabak nila sa clean-up operations ang mga pansamantalang mawawalan ng kita sa tourist destination.