Ni Bert de Guzman
GUSTO ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na mas maraming taga-Mindanao ang kumandidato sa 2019 mid-term elections. Kapag nangyari ito, iniisip marahil ni Speaker Bebot na magkakaroon din ng Super Majority sa Senado.
Kapag ang Kamara at ang Senado ay pawang kaalyado ng PDP-Laban na partido ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, tiyak na lahat ng gusto ng Malacañang na ipasa at maging batas, tulad ng kontrobersiyal na Divorce Bill at Same-Sex Marriage Bill, ay matutupad.
Samakatwid, sabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko, kapag ginusto ni PRRD na palitan ang Republic of the Philippines para maging Republic of Mindanao, may posibilidad na mangyari ito. Kinontra ko si kaibigan at sinabing hindi naman siguro mangyayari ito sapagkat mismong ang mga mamamayan ang sasalungat dito. Anyway, itanong natin kay Alvarez at kay Senate Pres. Koko Pimentel.
Sa ngayon daw, tatlong senador lang ang mula sa Mindanao. Sila ay sina Sens. Migs Zubiri, Manny Pacquiao at Pimentel. Rekomendado ni Alvarez na tumakbo sa senadurya sina Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, Davao City Rep. Karlo Nograles at Maguindanao Rep. Sajid Mangadadatu. Paano sina Harry Roque at Mocha Uson?
Sa opinyon ng iba, ang dapat kunin ni Speaker Bebot na mga kandidato ay mga pulitiko at lider-Muslim na tunay na taga-Mindanao na kumakatawan sa lantay na adhikain ng mga taga-roon. Batid nila ang saloobin, kultura at relihiyon ng mga kababayan.
Sana sa loob ng termino ni Pres. Rody ay magkaroon ng katuparan at kaganapan (fullfilment) ang pamosong titulo at katawagang ang Mindanao ay “Lupang Pangako” (Promised Land). Sa pagkakaroon ng presidente mula sa Mindanao na umaangking may dugong-Maranao, malaki ang pag-asa sa pag-unlad nito at pagkakamit ng tunay at lantay na kapayapaan, na hanggang ngayon ay parang mailap na ibon na hindi makadapo sa LUPANG PANGAKO.
Samantala, nalathala noong Sabado sa mga pahayagan na handa si PRRD na makipaggiyera sa sino mang bansang magsasagawa ng pananaliksik sa Philippine Rise (Benham Rise) nang walang permiso ng Pilipinas. Mr. President, papaano kung China ang magpunta rito at manaliksik? Gigiyerahin mo ba sila? Hindi kaya mamasaker lang ang mga sundalo, tulad ng pangamba mo sa West Philippine Sea kung kaya ayaw mong pumalag sa China, yuko-ulo at bahag-buntok, kahit inuokupa na nito ang mga teritoryo na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone?