Ni Martin A. Sadongdong
Dadalhin sa Masbate ang inarestong buko vendor, na sinasabing binugbog ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) enforcers, para sa paglilitis ng kasong murder, ayon sa Philippine National Police’s Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Gayunman, sa pagdinig sa kaso ni Romnick Relos, 29, hihilingin ni CIDG Director Roel Obusan sa korte sa Aroroy, Masbate na payagan muna ang MMDA na tapusin ang imbestigasyon nito sa mauling incident.
“Ang kaso niya sa MMDA ay under investigation pa rin and hindi naman masisira ‘yun. Pero bago sana ma-commit hihilingin namin na matapos sana yung imbestigasyon sa MMDA,” ani Obusain.
Inaresto si Relos ng mga tauhan ng CIDG habang ibinabalita sa programa ng istasyon ng TV5 sa Mandaluyong City, bandang 4:40 ng hapon nitong Martes. Dinakip si Relos sa bisa ng arrest warrant, may petsang Enero 25, 2008, na inisyu ni Masbate Regional Trial Court (RTC) Branch 46 Judge Nilo Barsaga.
Si Relos ang itinuturong pumatay sa kanyang kapitbahay na si Junie Olete noong Marso 25, 2007.
Base sa pahayag ng misis ni Olete, si Evelyn, biglang pumasok sa loob ng kanilang bahay si Relos at ang mga kapatid nitong sina Dondon, 34; at Roy, 32, at pinagtulungang tagain ang kanyang mister, dakong 10:00 ng gabi.
Nitong Martes din nadakip ng CIDG sina Dondon at Roy at nilinaw na hindi sangkot sa pagpatay si Romnick.
“Kami lang dalawa (Dondon and Roy), hindi siya kasama. Nadamay lang yan,” sabi ni Dondon.
Ayon kay Roy, nakatalo nila ni Dondon si Olete, na inulat na lasing, bago ang pananaga.
“Lasing po siya. Tapos tumakbo sa loob ng bahay, hinabol namin,” kuwento ni Roy.
Samantala, tiniyak ni Obusan na tutulungan nila ang buko vendor sa kanyang reklamo laban sa MMDA enforcers na nanggulpi sa kanya.
“Ang complaint niya sa MMDA, puwedeng tumulong ang CIDG sa kanya magpa-escort, magpa-security or dumulog sa kanila, kami ay bukas para tumulong,” diin ni Obusan.
Ngunit, nilinaw ni Obusan na hindi aayuda ang CIDG sa murder case ni Romnick dahil magkaiba ang naturang mga kaso.
“Magkaiba po itong dalawang kaso. Itong sa warrant of arrest, kailangan bigyan ng hustisya ang pamilya ng namatay. Kailangan nilang panagutan ang krimeng kanilang nagawa,” aniya.
Kasalukuyang nakakulong sa PNP-CIDG at kakasuhan ng murder ang magkapatid na Relos.