ALAM nating lahat na sa pamamagitan lamang ng impeachment mapatatalsik sa puwesto ang nakaupong presidente, bise presidente, miyembro ng Korte Suprema, miyembro ng Constitutional Commission, o Ombudsman. Ito ay nakasaad sa Article XI, “Accountability of Public Officers,” ng Konstitusyon.

Ang mga nabanggit na opisyal ay maaaring patalsikin ng Kamara de Representantes dahil sa mga sumusunod: “culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust.” Kinakailangan ang boto ng one-third ng mga miyembro upang aprubahan ang impeachment complaint at ipadala sa Senado upang litisin. Doon, kinakailangan ang botong two-thirds upang mahatulang nagkasala ang ini-impeach.

Gayunman, nitong Huwebes, ipinahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na anim na taon nang nanunungkulan, ay maaaring patalsikin sa puwesto kapag ipinatupad ng Korte Suprema ang quo warranto proceedings na ang pagkakatalaga rito noong 2012 ay void ab initio (mula sa simula) sa pagkabigong isumite ang mga kinakailangan para sa pagkakatalaga nito, kabilang na rito ang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth sa nakalipas na 10 taon. Sinegundahan ito ni Solicitor General Jose Calida sa paghahain naman ng quo warranto petition sa Korte Suprema nitong Lunes.

Sa gitna ng impeachment hearing na isinagawa ng House Committee on Justice kamakailan, ilang Supreme Court justices ang tumestigo laban kay Chief Justice Sereno, pinagtuunan ang kanyang pamamahala sa korte na, anila, ay binalewala ang Korte Suprema bilang collegial body. Boboto kaya sila sa pagpapatalsik kay Chief Justice Sereno sa isang quo warranto case? O pipiliin nilang patalsikin si Sereno sa pamamagitan ng impeachment?

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Maraming senador ang nagkonsidera sa isyu. Ayon sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), ang samahan ng mga abogado sa bansa, ang pagpapakulong matapos ang impeachment trial ang tanging kinikilalang paraan sa pagpapatalsik sa nakaupong chief justice. Ngunit ang paniniwala nina Secretary Aguirre at Solicitor General Calida sa usapin ang ‘tila desisyon ni Pangulong Duterte, na nagtalaga sa kanila, sa usapin.

Samantala, naghahanda ang Kamara para sa impeachment trial sa Senado. Nagsimula nang magbalangkas ang Committee on Justice ng articles of impeachment na ipadadala sa Senado. Ang panel of prosecutors nito ang magpapakita ng mga ebidensiya sa paglilitis. May sariling paghahanda ang Senado upang bumuo ng isang impeachment court sa Mayo at talakayin ang mga paraan at isyu. Inaasahang magsisimula ang paglilitis sa Hulyo, pagkatapos ng State of the Nation Address ng Pangulo.

Mas maganda kung sasailalim si Sereno sa tradisyunal na impeachment process sa Kongreso, kung saan isasagawa ang hearing at madedepensahan ni Chief Justice Sereno ang kanyang sarili.

Ang pagpapatalsik sa kanya sa pamamagitan ng quo warranto proceedings ay kumukuwestiyon sa legalidad at pagkakapantay. Ito ang pupukulin ng mga katanungan na gagambala sa pamahalaan at maaaring maging sanhi ng pagkakawatak-watak ng bansa.