Ni Mary Ann Santiago at Beth Camia

Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na masusi nitong iimbestigahan ang umano’y iregularidad sa May 2016 elections na ibinunyag ni Senador Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Sinabi ni James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, na makikipag-ugnayan sila sa tanggapan ng senador upang humingi ng mga dokumento na gagamiting batayan sa isasagawang pagsisiyasat.

Aniya, desidido ang Comelec na alamin ang puno’t dulo ng mga naturang alegasyon.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Paliwanag pa ni Jimenez, mahalagang makuha ng Comelec ang mga dokumento para matukoy kung ano talaga ang tamang interpretasiyon ng mga ito sa halip na gumawa agad ng konklusyon na batay lang sa alegasyon.

Idinugtong niya na ang mga vote counting machine (VCM) ay idinisenyo para lang basahin ang mga aktuwal na balota na ginamit ng mga botante sa mismong araw ng pagboto at pagbabatayan naman sa pagbibilang ng mga boto.

Nais ng Comelec na pagpaliwanagin umano ang Smartmatic, na siyang nag-supply ng VCM na ginamit noong 2016 elections, hinggil sa naturang isyu.

Siniguro naman ni Jimenez na hindi makakaapekto ang kontrobersiya sa paghahanda ng Comelec sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14.

Matatandaang ibinunyag ni Sotto sa kanyang privilege speech na base umano sa kanyang impormante, isang araw bago ang May 9, 2016 elections ay may mga boto nang nai-transmit mula sa Libon, Albay at Angono, Rizal.

Dumistansiya naman ang Malacañang sa naging talumpati ni Sotto.

Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na bahala na sa isyu ang Comelec dahil ito ang may hurisdiksiyon at kapangyarihan para busisiin ang mga inilabas na impormasyon ni Sotto.