Ni Marivic Awitan

NAPIPINTONG pahabain ni June Mar Fajardo ng San Miguel Beer ang kanyang hawak na record bilang pangunahing manlalaro ng Philippine Basketball Association (PBA) matapos muling manguna sa labanan para sa Best Player of the Conference award ng 2017-18 PBA Philippine Cup.

Dahil sa kanyang double-double average, kasalukuyang nangingibabaw ang Beermen slotman at mukhang malapit na sa kanyang pang-anim na sunod na all-Filipino BPC plum.

Papasok ng playoffs, may naitala ng average ang Cebuano gentle giant na 44.1 statistical points kada laro na galing sa 22.8 puntos, 13.2 rebounds, 2.1 blocks, 1.8 assists at 0.6 steals.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nangunguna si Fajardo sa scoring at rebounding, at pumapangalawa kay JP Erram (2.9) ng Blackwater sa blocks.

Kasunod naman niya sa BPC race ang 1-time MVP at kakamping si Arwind Santos na may naitalang 37.6 statistical points.

Bumubuntot naman sa kanila sina GlobalPort guard Stanley Pringle (35.6), Erram (35.3) at Ginebra forward Japeth Aguilar (34.2).

Kasama rin sa top 10 ang isa pang Beermen na si Marcio Lassiter (32.4), Ginebra guard Scottie Thompson (32.3), Sean Anthony (32.2) ng Globalport, Magnolia playmaker Paul Lee (31.5) at Phoenix guard Matthew Wright (31.4).

Ang top five players matapos ang semifinals ang magiging mga official candidates para sa award.

Samantala, bukod kay Fajardo, lima pang manlalaro ang nakapagtala ng double-double na average na kinabibilangan nina Santos na nagtala ng 16.3 puntos at 10.5 boards, Erram na may 14.2 puntos at 13.8 rebounds, Thompson na may tig-11.2 puntos at rebounds , Calvin Abueva na may 13.8 puntos at 10.4 boards at Kelly Nabong na may 13.5 puntos at 11.2 boards.