Naantala ng kalahating oras ang biyahe ng Light Rail Transit-Line 1 (LRT-1) nang tumirik ang isang tren nito dahil sa sirang air compressor sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Ayon kay Rod Bolario, head for operation ng LRT-1, walang sakay na pasahero ang tren nang tumirik ito malapit sa Roosevelt station sa Quezon City, pasado 7:00 ng umaga.
Gayunman, nakaperwisyo pa rin ito sa mga pasahero dahil nakahambalang ito sa riles kaya apektado ang biyahe ng ibang tren na nasa northbound at southbound ng Roosevelt station.
Kalaunan ay hinatak ng maintenance crew ang nagkaaberyang tren at idiniretso sa depot upang kumpunihin.
Balik-normal ang operasyon pagsapit ng 7:30 ng umaga.