Ni Beth Camia
Ibinasura ng Department of Justice (DoJ) ang reklamo laban sa dayuhan na hinihinalang konektado sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na naaresto nitong Pebrero 16 sa Ermita, Maynila.
Sa pitong-pahinang resolusyon na ipinonente ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, walang nakitang probable cause ang DoJ sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act at Republic Act 9516 laban kay Fehmi Lassoued, alyas Haytham Abdulhamid Yusof, at sa live-in partner niyang si Anabel Moncera Salipada.
Nag-ugat ang reklamo makaraang makuhanan ang mga suspek ng improvised explosive device, baril at mga bala sa tinutuluyan nilang apartment sa Ermita.
Ayon sa DoJ, kung pagbabatayan ang litrato ng mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya, lumalabas na ang mga litrato ay hindi naman kinuhanan sa kuwartong inuupahan ng mga akusado.
Magkaiba umano ang background na nasa litrato ng mga nakumpiskang ebidensiya sa background ng litratong kuha sa Room 409 ng apartment.
Patunay umano ito na wala ang dayuhan sa unit na kanilang inuupahan nang ipatupad ang search warrant.
Binigyang bigat din ng DoJ ang depensa ng dayuhan na siya ay dinala lamang sa isang kuwarto kung saan naroon ang mga nakumpiskang baril at pampasabog.
Iniutos din ng DoJ sa mga awtoridad na isauli sa mga respondent ang pera at cell phone na kinuha mula sa mga ito.