NI REGGEE BONOAN
PABORITO naming interbyuhin si Erik Santos na tulad ni Angeline Quinto ay wala nang ginawa kundi patawanin kami sa mga off-the-record nilang kuwento.
Sinolo namin ni Katotong Glen Sibonga si Erik pagkatapos ng mediacon ng Cornerstone Concerts sa Luxent Hotel at siyempre ang una naming tanong ay kung ano na ang nangyari sa ‘pangako’ niya kay Angeline na hihintayin niya dahil nga hindi pa ito handang lumagay sa tahimik.
“Wala!” kaswal na sagot sa amin.
‘As in nawala na ‘yung maghihintayan kayo sa isa’t isa?’
“Eh, wala, hindi ukol,” sagot uli ni Erik.
Wala naman siyang karelasyon ngayon, bakit bigla siyang huminto, nawala na ba ang pagmamahal niya kay Angeline?
“’Yung love siyempre nandoon! ‘Yung love hindi mawawala ‘yun, kaya lang ibang level na. Hindi na romantic level,” paliwanag ni Erik.
Itinutukso pa rin si Angeline sa kanya ng lahat, lalo na ng mga kapwa nito sing-vestigators sa I Can See Your Voice.
“Siyempre hindi mawawala ‘yun kasi may something naman talaga. Siguro ganu’n talaga, hindi lang kami meant,” pakli ng binata.
Wala rin namang love life si Angeline na nagsabing hindi masabi kung hanggang kailan siya magiging single.
“Ah, alam mo minsan nga, alam mo ‘pag tumatanda na, at kapag nag-iisa ako, nagkakaroon tayo ng blues na tinatawag, naranasan ko ‘yan late last year at nag-pray lang ako. Siguro kasama na ro’n ‘yung gusto kong... I wanna settle down na, I’m off-age already. Part ng blues ‘yun,” pagtatapat ng binata.
Okay lang ba sa kanya na magkaroon na muna ng ‘anak’ at saka na ang kasal?
“Gusto kong magkaanak pero not outside marriage. Makakakita rin ako, naniniwala akong matatagpuan ko rin.
Una kang makakaalam,” seryosong sabi ng ex-boyfriend ni Angeline. “Ayoko talaga ng ganu’n (magkaanak out of wedlock), gusto ko family talaga.”
Ibang level na nga ang relasyon nila ni Angeline ngayon. Nasaksihan namin kung paano sila magharutan na puro tawanan ang maririnig. Mga usapang walwalan lang na pati kulay ng sintas ng sapatos ni Erik ay ikinumpara ni Angeline sa kulay ng sapatos niyang suot na ibig sabihin ay compatible sila, pero agad namang kinorek ng binata na color blind ang dalaga kaya nagiging kulay pula ang orange.
Baka nga sila pa rin sa huli dahil pareho namang single at feeling namin ayaw lang aminin ni Erik na hinihintay pa rin niya ang dalaga. Ito pa rin ang gusto niya, dahil obvious namang napapasaya siya nang husto ng dalaga.
Anyway, excited na ibinalita ni Erik ang kanyang 15th year anniversary concert sa Setyembre sa SM MOA Arena. Natatakot siya dahil napakalaki nga naman ng venue. Bagamat hindi naman ito unang show niya sa MOA Arena, pero hindi niya solo; kung hindi guest ay may mga kasama siya.
“First time kong mag-solo sa MOA Arena at dahil kay Ate Reggs (Regine Velasquez) kasi nu’ng run-through ng concert namin. Hindi naman talaga ako nagpaplano to celebrate my 15th year anniversary sa malaking venue, sabi niya (Regine), I should celebrate here because I deserve it, sabi niya. Then sabi niya, ‘you are celebrating a milestone in your life and people will celebrate it with you.’
“Grabe ‘yung wisdom niya at encouragement niya niya sa akin. Takot ako, eh, siya talaga ‘yung nag-push. At nu’ng mismong concert namin, prinomote niya na, ‘tapos sinegudahan ni Kuya Ogie (Alcasid) at ni Kuya Martin (Nievera).
“Biniro nga ni Kuya Ogie si Ate Reggs, ‘ini-invite mo sila, bakit ikaw ba ‘yung magpo-produce? ‘Tapos at that time, she was wearing gold, sabi niya, ‘isasanla ko itong suot ko, makapag-produce lang akong concert ni Erik Santos!’ Actually, nag-commit na rin sila na guests ko sila, so they will be part of the concert. Si Kuya Martin, tsine-check pa niya ‘yung ano (schedule).
“Ako gusto ko talaga, we’re trying to invite 15 guest sa show na naging parte ng singing career ko at siyempre kasama si Angge, definitely,” kuwento ni Erik.
Si John Prats ang magdidirek ng 15th year anniversary concert ni Erik.
May suhestiyon kay Erik na subukan niyang gumamit ng harness para may iba namang mapapanood sa show niya at positibo ang sagot niya.
“Flying trapeze, kailangan ba? Sige tingnan why not! Sige 80% of the show, I’ll be singing songs na kinanta kong theme songs at original songs ko. And istorya siya ng singing career ko na interpret ko with my special guests,” pahayag pa ng binata.