NI Aris Ilagan
AKALAIN n’yo, mahigit 30 taon na pala ang ang nakararaan nang simulan ng Petron ang taunang Lakbay-Alalay roadside motorist assistance nito.
Kung ating iisipin ay parang kailan lang nang mag-anunsiyo ang naturang kumpanya ng langis na magsasagawa ito ng roadside assistance project, upang magbigay ng tulong sa mga motoristang magkakaroon ng problema sa kanilang pagbiyahe sa panahon ng Semana Santa.
Walang sablay na taun-taon itong isinagawa ng Petron, isang panata.
Ilang mga empleyado ng kumpanya ang nagboboluntaryo kada taon upang maikasa ang Lakbay-Alalay, kung saan tinutulungan nila ang mga biyahero.
Ngayong taon, kakaiba ang Lakbay Alalay project ng Petron dahil sa ilang inisyatibo na kanilang ipatutupad upang mapalawak ito.
Unang una, maglulunsad ng nationwide campaign ang Petron para sa pagsasabi ng Driver’s prayer ng mga tsuper ng sasakyan bago at pagkatapos nilang bumiyahe.
Ayon kay Ms. Ana Neri, assistant vice president for marketing ng Petron, likas na relihiyoso ang mga Pinoy kaya naisip nilang isulong ang Driver’s prayer upang sila’y gabayan ng Mahal na Panginoon sa kanilang pagbiyahe.
Maglalagay ng mga tarpaulin at sticker ng kopya ng Driver’s Prayer ang Petron sa mga istasyon nito sa buong bansa, kung saan ang malaking bilang ng mamamayan ay mga Katoliko.
Naniniwala itong maisasapuso ng mga Pinoy ang Driver’s Prayer kung madalas nilang bibigkasin ito sa araw-araw.
Ikinatuwa ng media ang paglulunsad ng Driver’s Prayer campaign ng Petron dahil ito rin ay magpapaalala sa mga tsuper na maging maingat sa kanilang pagmamaneho at bigyan rin ng kahalagahan ang kapakanan ng iba pang gumagamit ng kalsada.
Kung iisipin natin, dahil sa ating madalas na pagmamadali na makarating sa paroroonan ay nakakalimot tayong magdasal o magpasalamat sa Panginoong Diyos.
Dahil dito, marami sa atin ang mainitin ang ulo sa tuwing maiipit sa matinding trapik.
Ito ang karaniwang nangyayari kung wala sa puso natin ang Mahal na Panginoon.
Kaya’t saludo kami sa Petron sa kanilang hakbang na ito.
Samantala, inihayag din ni Binbining Ana ang iba pang aspeto ng Petron Lakbay-Alalay road safety.
Binansagang ‘Best Biyahe Caravan,’ ang Lakbay-Alalay volunteers ay magtutungo sa pitong paaralan, tatlong komunidad at tatlong shopping mall sa panahon ng Semana Santa upang mamahagi ng kaalaman
Habang nakabakasyon ang marami, magiging abala ang mga Petron volunteer sa pagsasagawa ng ‘Bisita Gasulista’ sa mga bahay-bahay upang tiyakin na ligtas sa sakuna ang mga iniwang LPG (liquefied petroleum gas) ng mga ito.