Ni Marivic Awitan

IKATLONG sunod na seniors athletics title ang pupuntiryahin ng Arellano University sa pagbubukas ngayon ng NCAA Season 93 Track and Field championships sa Philsports Track and Football field sa Pasig.

Matapos wakasan ang five-year reign ng Jose Rizal University noong Season 91, napanatili ng Chiefs ang titulo matapos makalikom ng kabuuang 740 puntos at ungusan ang pinakamalapit na katunggaling Mapua University sa nakaraang season.

Bukod sa Cardinals, inaasahang magiging mahigpit na karibal ng Chiefs at magsisilbing balakid para sa target nilang three-peat ang College of St. Benilde, event host University of Perpetual Help at JRU Heavy Bombers sa kabila ng kabiguan nitong magtala ng podium finish noong isang taon makaraang tumapos na fourth place.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Inaasahan ni AU coach Paulino Coloma na muling magdi-deliver ang kanilang mga long distance runners at mga throwers na naging pundasyon ng kanilang natamong back-to-back titles.

Sa juniors division, tatangkain ng Emilio Aguinaldo College-Immaculate Concepcion Academy na makamit ang ika-6 na sunod nilang titulo.

Ngunit, sa pagkakataong ito inaasahang malaking hamon ang kakaharapin nila sa nakaraang taong runner-up at nangunguna kapwa sa juniors at seniors division overall championship race na San Beda College.

Maliban sa San Beda, ang iba pang posibleng maging kaagaw ng koponan ni coach Fernando Bagasbas sa juniors crown ng tatlong araw na kompetisyon ay ang Perpetual at San Sebastian.