Ni Marivic Awitan

Mga Laro sa Sabado

(Filoil Flying V Center)

8:00 n.u. -- Adamson vs UE (M)

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

10:00 n.u. -- NU vs FEU (M)

2:00 n.h. -- Adamson vs UP (W)

4:00 n.h. -- NU vs La Salle (W)

ITINALA ng defending men’s champion Ateneo de Manila ang kanilang ikapitong sunod na panalo matapos makaulit sa karibal na De La Salle University, 25-18, 19-25, 25-17, 25-17, kahapon sa men’s division sa pagsisimula ng ikalawang round ng UAAP Season 80 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Bumawi mula sa kanilang second set na pagbagsak ang Blue Eagles at winalis ang sumunod na dalawang frames upang masimulan ang second round sa impresibong pamamaraan.

Nagtala ng 22-puntos si reigning 4-time MVP Marck Espejo na kinabibilangan ng 19 na hits habang nagdagdag ng 10 puntos si skipper Karl Baysa at walong puntos naman si Jan-jan Rivera upang pangunahan ang panalo na nag-angat sa kanila sa solong pamumuno taglay ang barahang 7-1.

Nanguna naman para sa DLSU Spikers si Arjay Onia na may 15 puntos.

Bunga ng nasabing kabiguan, bumagsak ang La Salle sa markang 3-5, kapantay ng University of the Philippines at biktima nito sa unang laro na University of Santo Tomas.

Patuloy sa pangangapa sa tunay nilang laro ang Tigers na yumukod sa Fighting Maroons sa loob ng straight sets, 26-28, 18-25, 23-25.

Humataw si Wendell Miguel ng 15 hits at isang ace habang nagdagdag si Mark Millete ng 14 puntos upang pamunuan ang nabanggit na ikalawang panalo ngayong season kontra Tigers habang tumapos namang leading scorer para sa Tigers si Joshua Umandal na may 15 puntos.