Ni Manny Villar

DETERMINADO ang administrasyong Duterte na isulong ang “ginintuang panahon ng imprastraktura” sa Pilipinas. Naglalaan ito ng P8 trilyon hanggang P9 trilyon para sa mga proyekto sa imprastraktura sa loob ng anim na taon.

Ito ang matagal na nating kailangan, at nagpapasalamat tayo sa determinasyon ng kasalukuyang administrasyon na bigyan ng nararapat na atensiyon ang imprastraktura.

Pangunahing paggugugulan ang kakulangan natin sa mga kalsada, tulay at riles, upang malunasan ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila at iba pang lungsod, at masuportahan ang paglago ng ekonomiya.

Isa pang magandang ibubunga ng pagsusulong sa imprastraktura ay ang paglikha ng maraming trabaho, kaya ang programang “magtayo, magtayo, magtayo” ay katumbas ng “trabaho, trabaho, trabaho” para sa mga mamamayan.

Ayon sa pagtaya ng Department of Trade and Industry (DTI), ang programa ng pamahalaan ay lilikha ng dalawang milyong trabaho sa konstruksiyon. Maaaring magbunga ito ng kakulangan sa bilang ng mga manggagawa.

Ngunit ito ay isang magandang problema. Kailangan lamang tiyakin na mabigyan ng kaukulang kasanayan ang ating mga manggagawa upang matugunan ang pangangailangan sa mga proyekto sa imprastraktura.

Sa negosyo ko lamang, nangangailangan ako ng 18,000 manggagawa dahil sa tiwala ko sa malakas na ekonomiya at sa matapat na pamamahala ng kasalukuyang administrasyon.

Maging ang iba pang kumpanya sa ari-arian ay nagpapalawak din, kaya lalong lumalaki ang pangangailangan sa mga manggagawa.

Kailangang iayon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga programa nito sa istratehiya sa pagpapaunlad ng pamahalaan at matiyak na may sapat na programa para sa mga manggagawa.

Mabuti rin ito para sa mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat o overseas Filipino workers (OFW).

Inaasahan natin na magiging sapat ang mga lilikhaing trabaho upang hindi na mangibang-bansa ang ating mga kababayan.

Inaasahan din natin na ang lumalaking pangangailangan sa mga manggagawa ay makatutulong sa mga umuuwing OFW, dahil sa dinanas na pang-aabuso sa kamay ng kanilang mga among dayuhan.

Kailangan natin ang bagong istratehiya ukol sa pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa, at matugunan ang magiging epekto ng planong deployment ban.

Handa kaming nasa pribadong sektor na gawin ang aming bahagi. Ang magandang pananaw sa ekonomiya ay magbubunga ng paglaki ng pamumuhunan, mas maraming negosyo at maraming trabaho. Inaasahan natin na ang magiging bunga nito ay mas mataas na uri ng pamumuhay para sa mga Pilipino.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)