Ni JUN FABON, ulat ni Tara Yap

Bawal nang kumandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14, 2018 ang mga opisyal na tatlong termino na sa puwesto, ayon sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay DILG OIC Secretary Eduardo M. Año, ipinalabas na niya ang nasabing kautusan sa mga regional office ng kagawaran para magsumite ang mga ito ng mga pangalan ng mga opisyal ng barangay at SK na nagsilbi na nang tatlong magkakasunod na termino.

Aniya, iniipon na ang listahan ng mga opisyal ng barangay na nakatatlong termino sa parehong posisyon at isusumite ng DILG ang nasabing listahan sa Commission on Elections (Comelec) ngayong Marso, ilang linggo bago ang itinakdang paghahain ng certificate of candidacy (CoC) sa Abril 14-20.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Mahigpit na binabantayan ng DILG kung sinu-sino ang mga tatakbo sa posisyong tatlong magkakasunod na termino na nilang hawak,” babala ni Año.

Binanggit pa ng DILG chief na ang nasabing hakbangin ng kagawaran ay pagtupad sa Section 43 (b) ng Local Government Code (RA 7160) na nakasaad: “No local elective official shall serve for more than three consecutive terms in the same position. Voluntary renunciation of the office for any length of time shall not be considered as an interruption in the continuity of service for the full term for which the elective official concerned was elected.”

Sa kasalukuyan, apat na rehiyon na ang nagsumite ng nasabing listahan sa DILG National Barangay Operations Office (NBOO): ang Region 1, na may 745 third-termer barangay chairman at 4,483 third-termer SB members; Region 4-B, na may 319 chairman na nasa ikatlong termino, at 1,792 third-termer na SB members; at Region 7, may 638 third-termer chairman, at 4,059 third-termer SB members.

Kaugnay nito, hiniling din ng DILG sa mga outgoing barangay chairman magsagawa ng imbentaryo sa pera at kagamitan ng kani-kanilang barangay.

“There should be a proper turnover to the new set of officials,” sabi ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya.

Hindi ginagawa noon ng mga chairman na papaalis na sa puwesto, sinabi ng DILG na ito ay para magkaroon ng transparency at accountability sa pangangasiwa sa mga barangay.