Ni Light A. Nolasco

Sumirit ang presyo ng ilang gulay, isda, de-latang pagkain, at maging karne ng manok at baboy dahil umano sa pagtaas ng presyo ng raw materials, iniulat mula sa Region 3.

Nag-abiso sa Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang manufacturer ng de-lata, gaya ng corned beef, beef loaf at meat loaf tungkol sa pagtataas ng presyo ng nasabing produkto.

Naglaro sa 50 sentimos hanggang P1 ang dagdag-presyo sa de-lata, partikular sa Sangitan Public Market, sa mga supermarket, at sa shopping malls sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, nilinaw ni DTI-Nueva Ecija Director Brigida Pili na hindi lahat ng de-lata ay nagtaas ng presyo.

Kasabay nito, tumaas din maging ang presyo ng suka, toyo at patis, gayundin ang ilang gulay, isda, karne ng manok, baboy, at baka sa mga pamilihan.

Batay sa DTI, nasa P10 kada kilo ang itinaas ng karneng manok, na P160 na ngayon mula sa dating P150.

Tumaas din ang karne ng baka, na mula sa P200 ay P300 kada kilo na.

Paliwanag naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Central Luzon, ang pagtaas ng presyo ng isda ay dulot ng lagay ng panahon at transportasyon.