NAGPATULOY ang pananalasa ng back-to-back champion National University para makopo ang pangkahalatang liderato sa seniors men’s division matapos ang round 6 ng 80th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) chess team championships.
Namayani ang National University kontra sa Adamson University,3-1, na ginanap sa University of Santo Tomas 1st floor QPAV Bldg. sa España, Manila nitong Linggo.
Ang Bulldogs na nasa gabay nina team manager Samson Go at head coach Jose “Jojo” Aquino Jr. ay binubuo nina International Master Paulo Bersamina, Fide Master Austin Jacob Liretarus, Ryan Christian Magtabog at Neil Conrad Pondoc.
Tinalo nila ang Adamson Falcons na kinabibilangan naman nina Remark Bartolome, Mark Kevin Labog, Jayson Levin Tapia at Khristian Clyde Arellano.
“Again, it’s all about defense. That’s where we’re focusing on this season,” sabi ni coach Aquino, certified United States Chess Federation (USCF) Master.
“Our preparation had paid off. We hope to sustain our momentum,” aniya.
Ginapi ni Bersamina si Bartolome sa Board 1 panalo si Liretarus kay Labog sa Board 2.
Tabla naman si Magtabog kay Tapia sa Board 3 at nakihati naman ng puntos si Pondoc kay Arellano sa Board 4.
Tangan ng Bustillos-based school ang 15.5 puntos. Nakatutok sila sa historic three-peat title sa torneong ito na pinangasiwaan ni tournament director Rodrigo Sambuang Jr. sa pakikipagtulungan nina International Arbiter Elias Lao Jr., Fide Arbiter Lito Abril, Fide National Arbiter Alex Dinoy, National Arbiters Roy Madayag at Noel Morales ng Chess Arbiter Union of the Philippines (CAUP).
Nakalasap naman ng pagkatalo ang koponan ni Fide Master Randy Segarra ng Dela Salle University kontra kay GM Jayson Gonzales ng Far Eastern University, 1.5-2.5, tungo sa 15.0 puntos para sa solo 2nd place.
Nasa third place naman ang Adamson University na ang mentor ay si Christopher Rodriguez na may 14.5 puntos.
Nasikwat naman ng University of the East (UE) ang solo 4th place matapos ang 2-2 stand off kontra sa University of Sto. Tomas tungo sa 12.5 puntos, angat ng kalahating puntos sa 5th placer FEU at 6th placer UST na may tig 12.0 puntos.
Ang University of the Philippines ay nasa 7th place na may 9.0 puntos habang ang Ateneo de Manila University ay nasa 8th place na may 5.5 puntos.
Nangunguna naman ang DLSU sa seniors women’s division na may 18.5 puntos habang ang FEU ang lider sa juniors division na may 15.5 puntos.