Ni Fer Taboy

Kinumpirma kahapon ng Police Regional Office (PRO)-7 na lima ang kumpirmadong nasawi, habang mahigit 50 katao ang nasugatan sa pagguho ng apat na palapag na bunkhouse ng mga construction worker sa Cebu City, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa report ng PRO-7, nangyari ang aksidente dakong 3:00 ng umaga sa Archbishop Reyes Avenue sa Cebu City.

Sinabi naman ni Nigel Banacia, hepe ng Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), na may naitala silang 103 survivor.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Kabilang sa mga nasaktan ang apat na malubhang nasugatan, samantalang pito ang slightly injured bagamat isinugod pa rin sa mga pagamutan kasama ang 44 na nagtamo rin ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Ayon sa pulisya, posibleng mayroon pang mga nawawala na nadaganan ng mga yero at bakal mula sa gumuhong bunkhouse, na hindi pa nila nakukuha.

Ang bunkhouse ay pagmamay-ari ng Abraham Lee Construction and Development.

Sinabi ni Chona Gonzales, tindera na nakatira malapit sa gumuhong bunkhouse, na nakarinig siya ng mga kalampag na sinundan ng paghingi ng tulong ng mga trabahador mula sa gumuhong bunkhouse.

Inihayag naman ng ilang nakaligtas na nanggaling sila sa pag-o-overtime sa kanilang tinatrabahong gusali at magpapahinga na sana nang bigla na lamang umanong mag-collapse ang bunkhouse.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi at mga sugatan sa aksidente, habang nagpapatuloy ang search and rescue operation sa gumuhong bunkhouse.