Ni Gilbert Espeña
HAHAMUNIN ni Filipino boxer Jessie Cris Rosales si WBA Oceania featherweight champion Ibrahim Balla sa Marso 11 sa Grand Star Receptions sa Altona North, Victoria, Australia.
Natamo ni Balla ang bakanteng regional title ng WBA nang talunin niya sa 10-round unanimous decision si Salimu Jengo ng Tanzania noong Oktubre 21, 2017 sa Melbourne Park, Melbourne.
Bago naging kampeon, tinalo niya ang mga Pilipinong sina Jasper Buhat, Alvin Bais, Roberto Lerio, Vergil Puton at Silvester Lopez ngunit nakatikim siya ng pagkatalo kay dating world rated Neil John Tabanao na nagpatulog sa kanya sa 3rd round noong Hunyo 11, 2016 para matamo ang WBO Oriental featherweight crown.
Maituturing namang mas beterano si Rosales na dating WBO Asia Pacific Youth featherweight champion at natalo lamang nang dumayo sa Mexico para mapatigil sa 2nd round ni dating WBC featherweight champion Johnny Gonzalez sa kanilang sagupaan noong Hulyo 22, 2017 para sa bakanteng WBC Latino super featherweight crown.
May rekord si Rosales na 21-1-1 na may 9 panalo sa knockouts kumpara kay Balla na may 13 panalo, 1 talo .