Ni Gilbert Espeña
TARGET ng dalawang Pinoy boxer na pumasok sa world rankings sa paghamon ni Brian Lobetamia kay OPBF super bantamweight champion Hidenoki Otane at pagkasa ni Jayr Raquinel kay OPBF flyweight titlist Keisuke Nakayama sa Marso 13 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
Sumikat si Lobetania sa Japan matapos palasapin ng unang pagkatalo via 4th round knockout sa kanyang huling laban ang sumisikat na si Kai Chiba nitong Enero 20 sa Korakuen Hall .
Minsan nang lumaban sa world title bout si Otake pero natalo siya sa puntos ni dating WBA super bantamweight champion Scott Quigg noong Nobyembre 22, 2014 sa Echo Arena, Merseyside, Liverpool, United Kingdom.
May rekord si Otake na 30-2-3 na may 13 panalo sa knockouts samantalang may kartada si Lobetania na 13-4-3 na may 11 pagwawagi sa knockouts.
Malaki ang mawawala kay Otake kapag tinalo ni Lobetania dahil nakalista siyang No. 6 sa IBF, No. 8 sa WBC at No. 11 sa WBA sa super bantamweight division.
Naging interim OPBF flyweight champion si Raquinel nang talunin sa 10-round majority ang kababayang si Richard Rosales noong Oktubre 20, 2017 sa Bacolod City, Negros Occidental para mapaganda ang kanyang rekord sa perpektong 8 panalo at 1 tabla na may 5 pagwawagi sa knockouts.
Naging OPBF flyweight champion naman si Nakayama nang masungkit ang titulo sa kontrobersiyal na 12-round split decision victory sa Pilipinong si Richard Claveras noong Hunyo 13, 2017 at naidepensa ito sa mas kaduda-dudang 12-round split draw laban sa Pilipino ring si Jobert Alvarez nitong Oktubre 13, 2017 sa mga sagupaang ginanap sa Korakuen Hall.
May rekord si Nakayana na 10-2-2 na may 4 na panalo sa knockouts at nakalistang No. 12 contender kay IBF flyweight champion Donnie Nietes ng Pilipinas at No. 15 contender sa kababayan niyang si WBO 112 pounds titlist Sho Kimura.