TIYAK nang batid ng mga tax planner ng gobyerno at ng mga kasapi ng Kongreso na magbubunsod ng pagtaas ng presyo ng maraming bilihin ang pagpapatupad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Nang magsimulang magtaasan ang mga presyo sa pagsisimula ng taon, sinabi ng isang opisyal na dahil marahil ito sa TRAIN Law dahil nagpataw ng mga bagong buwis sa mga bagong stock ng produkto, hindi sa mga nakalabas na sa merkado. Malaki ang posibilidad na ang taas-presyo ay dahil sa pagsasamantala ng mga negosyante, bukod pa sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado at pananamlay na rin ng piso.
Subalit dahil na rin marahil sa TRAIN kaya maraming negosyo ang nagsimula nang magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto, dahil na rin sa inaasahang bagong buwis na ipapataw sa mga ilang produkto. Ang ilang kumpanya ng langis ay nagpatupad na kaagad ng taas-presyo sa pagsisimula pa lamang ng bagong taon, at inaasahang ganito rin ang gagawin ng maliliit na tindahan.
Maaaring masyado pang maaga ang taas-presyo para sa ilan, subalit hindi naman ang mga ito maiiwasan dahil sa TRAIN, partikular na ang probisyon para sa mas mataas na excise tax sa produktong petrolyo, lalo na sa diesel na nagpapaandar sa mga cargo truck na nagbibiyahe ng mga produkto patungo sa mga pamilihan.
Ang karagdagang buwis sa coal—bagamat ikinatuwa ang mga grupong makakalikasan—ay inaasahan ding magpapataas sa singil sa kuryente dahil ang mga coal plant ang nananatiling pangunahing lumilikha ng kuryente sa bansa. Kilala ang Pilipinas sa pagkakaroon ng isa sa pinakamatataas na singil sa kuryente sa Asya, na isa sa mga dahilan kaya pinipiling ituon ng mga mamumuhunan ang kanilang atensiyon sa ibang bansa. Ang bagong taas-singil sa kuryente ay lalo pang makapipigil sa ating mga pagsisikap upang mahimok ang pagsigla ng industriya ng manufacturing sa bansa.
Dahil din sa TRAIN ay tmaas ang buwis sa matatamis na inumin. Bagamat ikinasisiya ito ng mga opisyal na nababahala sa pagdami ng Pilipino na may labis na timbang, labis naman itong nakaapekto sa operasyon ng maliliit na tindahan na nagbebenta ng mga de-boteng softdrinks at juice.
Ang mas mababang buwis ng TRAIN para sa mga manggagawa—25 porsiyento na lang para sa mga sumusuweldo ng P21,000 kada buwan o P250,000 bawat taon, mula sa dating 32 porsiyento—ay malaking kapakinabangan para sa maraming Pilipino. Mas marami silang maiuuwi sa kanilang mga bahay at may ekstrang panggastos na tiyak na magpapasigla sa ekonomiya. Subalit napakaraming iba pang walang trabaho sa bansa; hindi sila makikinabang sa tinapyasang buwis na ito.
At napakarami nang taas-presyo ang nangyari dahil sa TRAIN. Sinimulan na nitong pataasin ang koleksiyon sa buwis na kinakailangan ng pamahalaan upang pondohan ang “Build, Build, Build” at iba pang programa ng gobyerno. Subalit ngayon pa lamang ay dapat nang suriin ng pamahalaan ang inaasahang epekto ng TRAIN sa sektor ng mahihirap dahil sa biglaang pagmamahal ng mga bilihin.
Ang tinatawag ng mga karaniwang tao na taas-presyo ng mga bilihin ay tinagurian namang inflation ng mga ekonomista.
Taong 2016 nang itakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang target na 2-4 na porsiyentong inflation para sa nasabing taon hanggang 2018. Nang maluklok sa puwesto si Pangulong Duterte noong 2016, ang inflation rate ay nasa 2%, ang pinakamababa sa target na maitala ng BSP. Nitong Enero, pumalo ito sa pinakamataas na 4%—ang pinakamataas na antas sa nakalipas na tatlong taon.
Maaaring nariyan ang iba pang mga dahilan, gaya ng paglobo ng presyuhan sa pandaigdigang merkado at ang pagbaba ng halaga ng piso, subalit tiyak na malaking dahilan dito ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa TRAIN Law. Ngayon pa lamang, bumubuo na ng mga plano ang ating mga opisyal upang matulungan ang pinakamahihirap sa ating bansa na makaagapay sa paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin.