Ni Aaron Recuenco
Malamig ang magiging tugon ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald dela Rosa sa anumang hakbang mula sa United Nations (UN) sa pag-iimbestiga sa umano’y mga pang-aabuso sa karapatang pantao at extra-judicial killings (EJKs) sa bansa.
“Who would I follow? Those foreigners investigating or my President,” sabi ni dela Rosa nang tanungin ukol sa planong imbestigasyon ng UN kaugnay ng giyera sa droga.
“If the President say go ahead cooperate, then I would follow. But if the President say don’t talk, then I will not talk,” dugtong nito.
Ayon sa PNP chief, parehong totoo ang mga dokumento na maaaring hilingin ng mga imbestigador para sa mga napatay sa police operations sa kasagsagan ng anti-drug operations.
Unang napaulat na nais ng UN na magsagawa ng imbestigasyon sa drug war ni Duterte dahil sa mga alegasyong sinadyang patayin ang mga sangkot sa ilegal na droga.
“If the President say don’t give documents, who am I to defy his instructions?” punto ng PNP chief.
Nilinaw ni dela Rosa na wala pa siyang natatanggap na pormal na kautusan mula kay Duterte hinggil sa kooperasyon o hindi pakikipagtulungan sa anumang imbestigasyon sa drug war, partikular ang isasasagawa ng UN.
“My discretion is to refer to the Commander-In-Chief. Ultimately, the buck stops at the President,” ani dela Rosa. “Siya lang naman talaga ang pinupuntirya nila.”