Ni Mary Ann Santiago

Isang truck driver ang patay makaraang dalawang beses na barilin sa ulo ng riding-in-tandem, na hinihinalang mga gun-for hire, sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.

Dead on the spot si Randy Galicia Tusoc, 43, ng Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.

Patuloy pang nangangalap ang Manila Police District (MPD) ng kuha ng closed circuit television (CCTV) camera sa lugar, na makatutulong sa pagtukoy sa dalawang suspek na sakay sa motorsiklo, ang isa ay nakasuot ng sombrero habang naka-helmet naman ang isa pa at armado ng .45 caliber pistol.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa inisyal na ulat ni SPO2 Mario Asilo, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 8:35 ng umaga nitong Linggo nang mangyari ang pamamaril sa paradahan ng truck sa Access Road MICT Compound sa Parola, Tondo.

Nabatid na naglalakad pauwi ang biktima nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem at binaril siya nang malapitan sa ulo bago tumakas.

Batay sa pahayag ng kinakasama ng biktima, matagal nang nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay ang biktima matapos umanong maghain ng pormal na reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) laban sa dating pinapasukang trucking company kaugnay ng isyu sa sahod at benepisyo.

Aniya, sinabi sa kanila ng abogado na nanalo na ang biktima sa kaso sa NLRC at kulang-kulang sa kalahating milyon ang babayaran dito ng kumpanya.

“Pero may nagsabi na papatayin na lang daw ang asawa ko...tapos marami na death threat, may tumatawag at nagte-text na ayaw magpakilala,” kuwento ng ka-live-in ng biktima.