Ni GENALYN D. KABILING
Kakailanganing magbayad ng mga barangay sa bansa ng P500 kada buwan para magkaroon ng access sa state-of-the-art government satellite network na ilulunsad ng pamahalaan sa kalagitnaan ng 2018.
Sinabi kahapon ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na ang buwanang subscription fee ay “minimal” dahil hindi na kakailanganing gumastos ng gobyerno sa magastos na satellite infrastructure.
Plano ng pamahalaan na maglabas ng 42,000 satellite receiver sa lahat ng barangay sa Hunyo o Hulyo na magkakaloob ng mahahalagang government information sa mga komunidad laban sa fake news, ayon kay Andanar.
“Ito po ay unsolicited proposal sa mga satellite network company, so libre po, wala pong gastos ang gobyerno,” sinabi ni Andanar sa isang panayam ng radyo.
“Pagpapalipad pa lang ng space ship para magpa-orbit nung satellite, hindi ba mahal na iyon. At wala ho tayong satellite talaga ang ating gobyerno. Therefore, ang magiging partisipasyon lang po ng cost ng isang barangay ay iyong monthly sa subscription. I think, it’s a minimal P500 a month,” dagdag niya.
Sinabi ni Andanar na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang government satellite network, na hindi lamang magkakaloob ng libreng Internet access kundi magpapahintulot din ng direktang komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga barangay.
“Kung meron hong mga mensahe ang ating Pangulo sa ating mga Barangay Chairman, kahit na wala po silang cell site or cell signal ay madali na po silang makausap,” ani Andanar. “Basta meron lang ho silang generator, at i-orient lang ho iyong satellite ay puwede na ho siyang makipag-usap sa Maynila.”