Ni LIGHT A. NOLASCO

NAMPICUAN, Nueva Ecija - Nahaharap ngayon sa balag na alanganin si Nampicuan, Nueva Ecija Mayor Victor Badar nang pagbantaan umano nitong babarilin ang may kapansanan na dating alkalde ng bayan, nitong nakaraang buwan.

Kasabay nito, nanawagan din si dating Nampicuan Mayor Nestor Aquino kina Pangulong Rodrigo Duterte, Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa, at Public Attorney’s Office (PAO) Chief, Atty. Persida Rueda-Acosta na tulungan siya kaugnay ng insidente.

Aniya, nagkaroon sila ng kumprontasyon ni Badar nang magtungo ito munisipyo nitong Pebrero 26 ng umaga.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Aquino na sa kabila ng kanyang kalagayan bilang polio victim na naka-wheelchair, nagawa pa umano siyang sitahin, pagmumurahin, bantaan at hamunin umano ng barilan ni Badar.

Nag-ugat, aniya, ang usapin nang sulatan niya si Badar upang humingi ng mga kopya ng Statement of Assets, Liabilities & Networth (SALN) ng alkalde, pati na rin ang mga department heads at personal data sheet ng municipal administrator na si Remedios Badar.

Hiniling din, aniya, niya kay Vice Mayor Marlon Gamboa at sa buong Sangguniang Bayan (SB) ang mga hard copy ng kanilang 2017 at 2018 annual budget at naaprubahang 20 porsiyentong development project noong 2017 at 2018.

Idinahilan ni Aquino na ang naging hakbangin niya ay alinsunod sa karapatan niya sa mga request batay na rin sa Freedom of Information (FOI), Executive Order ni Pangulong Duterte noong Hulyo 2016.

Inirereklamo rin ni Aquino ang pagtanggi umano ng mga pulis-Nampicuan na mai-blotter ang kanyang reklamo laban sa alkalde.

Tinangka ng may akda na kuhanan ng pahayag ang panig ni Badar, subalit wala pa siyang inilalabas na opisyal na pahayag habang sinusulat ang balitang ito.