Ni Vanne Elaine P. Terrazola
Umapela si Senator Grace Poe para maimbestigahan ang mabagal na Internet sa bansa.
Naghain ng resolusyon si Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, na humihimok sa mga komite sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, kaugnay ng napakabagal na Internet sa bansa.
Ito ay kasunod ng report kamakailan na nagsabing patuloy na nangungulelat ang Pilipinas sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) sa larangan ng availability, singil at bilis ng Internet.
Sa kanyang resolusyon, tinukoy ni Poe ang report ng OpenSignal na nagpuwesto sa 4G speed ng Pilipinas sa ika-85 sa 88 bansang sinarbey nitong huling tatlong buwan ng 2017.
Bagamat kinumpirmang tumaas ang 4G availability ng Pilipinas mula sa 58.8 porsiyento sa ikatlong quarter ay naging 63.7% nitong fourth quarter, sinabi ng industry monitoring company na nakabase sa London na naitala lamang sa 9.5 Mbps ang bilis ng Internet sa bansa.
Kaya naman kulelat pa rin ang Pilipinas sa mga karatig-bansang ASEAN nito, gaya ng Thailand na may 9.6 Mbps 4G speed; ng Malaysia, 14.8 Mbps; ng Vietnam, 21.5 Mbps; at ng Singapore, na nanguna sa listahan sa bilis na 44.3 Mbps.
Mas mabilis naman ang Internet sa Pilipinas kumpara sa Indonesia, na mayroon lamang 8.9 Mbps.
Binigyang-diin ni Poe ang napakabaga na Internet sa bansa makaraang mabunyag sa hiwalay na pag-aaral na inilabas ng We are Social ngayong taon na gumugugol ang mga Pilipino ng mahigit siyam na oras sa Internet sa maghapon, at apat na oras naman kada araw sa pagtutok sa social media noong 2017—parehong pinakamataas sa dalawang kategorya sa mahigit 200 bansang sinarbey.