Ni Clemen Bautista
SA inilunsad na giyera kontra drog ng Pangulong Duterte mula nang siya’y manungkulang Pangulo ng ating bansa, ang Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” de la Rosa ang naatasang magpatupad ng nasabing anti- illegal drug operation. Libu-libo ang napatay at tumimbuwang na mga pinaghihinalaang drug pusher at user. Maraming tumimbuwang sa loob ng bahay, karsada, madilim na bahagi ng lansangan at iba pang lugar. Naka-tsinelas at marumi ang sakong. May napatay din na tatlong teenager. Walang magawa ang mga kamag-anak, pamilya at mahal sa buhay kundi ang manangis at sumigaw ng katarungan na sabunot sa panot at suntok sa buwan. May mga napatay din na dalawang mayor, na ang tawag ng Pangulo ay mga narco-politician. Ang isang suspek ay napatay ng madaling-araw sa loob ng kanyang kulungan na nakipagbarilan umano sa mga police operative. Ang ikalawa’y isa ring narco-politician at napatay ito kasama ang asawa at ilang mga tauhan.
Ang pagkamatay ng libu-libong pinaghihinalaang drug pusher at user at narco-politician ay naghatid ng takot sa marami nating kababayan. Ang nasabing giyera kontra droga ay binatikos ng mga human rights advocate dito sa Pilipinas at ibang bansa, ng mga alagad ng Simbahan at ng mga nagpapahalaga sa buhay ng tao. May nagsagawa pa ng kilos-protesta o rally at nanawagan na itigil ang mga pagpatay. Pangibabawin ang batas sa pagdakip sa mga tulak at user, at iba pang sangkot sa droga. Sa takot naman ng mga sangkot droga, napilitan silangf sumuko at magbagong-buhay. Katuwiran nila: mabuti na ang sumukong buhay kaysa maging bangkay silang paglalamayan at tatangisan ng kanilang mga magulang, kamag-anak, mga kaibigan at kakilala. May pagkakataon na bilang panawagan na itigil na ang pagpatay sa kampanya ng Pangulo, pinatunog ang kampana ng mga Simbahan tuwing 8:00 ng gabi sa buong bansa. Ito ay hudyat, na oras na upang ipagdasal ang mga napatay sa naturang kampanya.
Halos nagkakaisa ang panawagan ng mga alagad ng Simbahan at ng mga nagpapahalaga sa buhay ng tao na hindi dapat patayin ang mga drug suspect kundi dakpin na lamang. Pasukuin. Bigyan ng pagkakataon na magbagong-buhay. Sumailalim ng rehabilitasyon kung kailangan. Sa mga batikos at puna sa giyera kontra droga, ang naging sagot ng Pangulo ay ang kanyang pagmumura at pagsasabi na hanggang sa siya ang Pangulo ng Pilipinas, magpapatuloy ang kampanya kontra-droga. Napatingala na lamang sa langit ang iba natin kababayan.
Narco-politician ang tawag ng Pangulo sa mga opisyal ng gobyerno na nasangkot sa droga. Sa mga pulis naman, narco-cops.
Nang inilunsad muli ang kampanya kontra droga nitong Marso 3, binalaan ng Pangulo ang mga pulis na naturingang narco-cops. Ayon kay Presidential spokeperson Harry Roque, nagbabala ang Pangulong Duterte na kung ang mga pulis ay sangkot sa illegal drugs, mabuti pang tumigil na sila sa nasabing gawain o umalis sa Philippine National Police.
Sinusuportahan ng Pangulo ang mga pulis na tumutulong sa kampanya, ngunit hindi patatawarin ang sinuman sangkot sa illegal drugs.
Ayon pa sa tambolero ng Pangulo, sisibakin ng Presidente ang mga sangkot sa droga. Binanggit niya ang mahigit na 300 pulis na tinanggal sa tungkulin na ang marami ay sangkot sa droga. Kailangang patunayan ng mga pulis ang kanilang kakayahan ngayong ang suweldo nila ay tumaas na.
Sa babala at panawagan ng Pangulong Duterte, maraming kababayan ang nagtatanong na sumunod at makinig naman kaya ang mga pasaway na mga tauhan ng PNP? Maayos na kaya silang maglilingkod at susunod sa motto o slogan ng PNP na To SERVE and To PROTECT? Hindi na matatakot ang iba nating kababayan kapag nakakita ng pulis. At magbabalik na ang tiwala ng mamamayan sa mga ito.