Ni Tara Yap
ILOILO CITY – Walang balak ang pamilya ng pinatay na overseas Filipino worker (OFW) na si Joanna Demafelis na sampahan ng kaso ang babae na umano’y nag-recruiter dito sa Kuwait.
Sinabi ni Joejet Demafelis, nakatatandang kapatid ni Joanna, sa Balita na hindi magsasampa ng kaso ang kanilang pamilya laban kay Agnes Tuballes, na malayong kamag-anak nila.
“Hindi na kailangang makasuhan. Third cousin po namin siya,” sinabi kahapon ni Joejet, isang araw makaraang mailibing si Joanna sa bayan nila sa Sara, Iloilo.
Lumantad noong nakaraang linggo si Tuballes upang linisin ang kanyang pangalan kaugnay ng pagkamatay ni Joanna, na pinatay sa bugbog at isinilid sa freezer sa isang abandonadong apartment mahigit isang taon na ang nakalipas, subalit nadiskubre lamang nitong Pebrero.
Nagtatrabaho rin bilang domestic worker sa Hong Kong, iginiit ni Tuballes na ini-refer lamang niya si Joanna sa recruitment agency na Our Lady of Mt. Carmel Global E-Human Resources, Inc.
Sinegundahan naman si Joejet ng amang si Crisanto, sinabing hindi nila kakasuhan si Tuballes dahil inihanap lamang nito ng recruitment agency si Joanna, na kinakailangan noong kumita nang malaki upang maipagawa ang bahay nilang sinira ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 2013.
Ayon kay Joejet, ipinauubaya na ng pamilya Demafelis kay Labor Secretary Silvestre Bello III kung papanagutin si Tuballes sa insidente.
Samantala, umabot sa 3,000 ang nakipaglibing kay Joanna nitong Sabado, kabilang sina Bello, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, Iloilo 5th District Rep. Raul Tupas, Sara Mayor Emelita Salcedo, at women’s rights group.
Pinangunahan naman ng kare-resign lang na si Jaro Archbishop Angel Lagdameo ang misa bago ang libing sa pinaslang na OFW.