Ni LEONEL M. ABASOLA, ulat ni Hannah L. Torregoza

Kinontra ng mga senador ang balak ng pamahalaan na ipasara nang dalawang buwan ang buong isla ng Boracay, at sa halip ay makikiusap sila kay Pangulong Rodrigo Duterte laban sa total closure ng pangunahing tourist destination sa Pilipinas.

“Ang amin pong napagkasunduan ng mga senador ay i-request kay Presidente na huwag naman mag-total closure. I-close na lang ‘yung mga non-complaint at ‘yung mga compliant ay pabayaang magpatuloy, kasi paano natin mae-encourage ang compliance kung lahat, pati compliant, ay masasara?” sinabi ni Villar nang kapanayamin sa DZBB.

Bukod dito, sinabi ni Villar na magpapasa sila ng batas para makialam ang national government sa pangangasiwa sa mga tourist spot sa bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Giit niya, sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng “check and balance” sa pagitan ng mga lokal at pambansang pamahalaan.

Natuklasan ni Villar, kasama ang mga kapwa senador na sina Nancy Binay, Joel Villanueva, Loren Legarda at Juan Miguel Zubiri, na ang pangunahing paglabag ng ilang establisimyento sa isla ay ang kabiguang tumalima sa batas sa solid waste management.

Nabatid din na hinayaan lang umano ng mga lokal na pamahalaan ang maraming paglabag ng ilang establisimyento sa isla.

“The local government has not been able to implement the national solid waste management law, na hindi lahat ng basura itinatapon sa landfill, nire-recycle ‘yung puwedeng i-recycle at ‘yung residual waste lang ‘yung itatapon sa landfill,” paliwanag ni Villlar.

Aniya, hindi rin maganda ang pagsasara sa buong isla, dahil nangangahulugan ito na aabot sa 90,000 ang mawawalan na hanapbuhay.

Matatandaang sina Tourism Secretary Wanda Teo at Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang nagrekomendang isara ang buong Boracay nang 60 araw para maisailalim sa rehabilitasyon.