ni PNA
MATAPOS matalo ng Vigan City upang maging host ng 2018 Palarong Pambansa, may pagkakataon na ngayon ang tinaguriang Summer Capital, ang Baguio City, na manguna sa pangunahing sports event dahil dito gaganapin ang “Batang Pinoy” sports competition ngayong taon.
Ang Batang Pinoy ay ang taunang multi-sports meet ng gobyerno para sa mga estudyante at out-of-school youth na nasa edad 15 pababa.
“Baguio City may have lost the chance of hosting 2018 Palarong Pambansa, but here comes a better opportunity to house not just one but three prestigious sporting events this year, including the Batang Pinoy National Finals in September,” lahad ni Georaloy Palao-ay, information officer ng Department of Education sa Cordillera Administrative Region (DepEd-CAR), sa isang panayam nitong nakaraang linggo.
Pinili ng Philippine Sports Commission ang Baguio City bilang host upang makatulong sa PSC sa maigting na promosyon sa sports sa bansa, sa pamamagitan ng paglalaan ng mga lugar ng laruan, pagdadagdag ng lokal na transportasyon at paglalaan nang maayos na pasilidad para sa mga atleta at mga coach at paghahatid ng serbisyong medikal sa pamamagitan ng mga medical personnel sa lahat ng lugar ng laruan.
Ipinagkatiwala ni PSC Chairman William Ramirez sa Baguio City ang pamumuno sa Batang Pinoy, ani Palao-ay, at sinabing maaaring napagtanto ng pamunuan ng PSC ang potensiyal ng Baguio City, sa pakikipagtulungan ng Benguet, bilang sports hub.
Binanggit ni Palao-ay na nakipag-ugnayan si Baguio Mayor Mauricio Domogan sa DepEd-CAR upang humingi ng tulong hinggil sa mga kakailanganin sa pagdiriwang.
Samantala, inihayag ng lokal na opisyal na umaasa ang Baguio na doon ganapin ang 2018 Palarong Pambansa, na dapat ay sa pakikipagtulungan pa rin sa Benguet. Naglaan na rin umano ang tinaguriang City of Pines ng mga literal na pinakamalalamig na tutuluyang lugar ng mga partisipante, habang naghanda naman ang Benguet para sa seguridad at kaligtasan ng lugar.
Ngunit ngayong binigyan ng pagkakataon ang Baguio na maging host ng Batang Pinoy sports event “in a silver platter”, handa na ang Cordillera administration na simulan ang paghahanda para rito, ani Palao-ay, upang ipakita sa lahat kung gaano kahanda ang Baguio at Benguet sa pagho-host ng malalaking sports event.