Ni Ric Valmonte
TINAPOS na rin ng House Committee on Justice ang kanyang pagdinig sa isinampang reklamo ni Atty. Lorenzo Gadon na naglalayong ma-impeach si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Pagbobotohan na lang kung ito ay mayroong probable cause, ayon kay Committee Chairman Umali.
Pakitang tao na lang ang gagawing ito ng komite. Masasalungat ba niya ang kanyang sarili at sabihing walang probable cause ang impeachment complaint? May ilang pagkakataon na sinabihan ng komite si Atty. Gadon na magprisinta ng ebidensiya sa mga alegasyon niya laban sa Punong Mahistrado? Inamin niya na hindi niya kayang gawin ito at kailangan ang tulong ng komite. Dapat sana sa puntong ito, ibinasura na ng komite ang impeachment complaint dahil obligasyon ng naghahabla ang patunayan niya ang kanyang demanda. Pero, sa halip na gawin ito ng komite, gamit ang kapangyarihan ng Kongreso na mag-isyu ng subpoena at subpoena duces tecum at ipakulong ang susuway nito, siya ang nangalap at nagprisinta ng ebideniya. Kaya sa pagdinig ng impeachment complaint laban kay Sereno, ang komite ang tumatayong complainant, prosecutor at judge.
Hindi pa man nakapagpapasiya ang komite ni Cong. Umali, sinabi na ni Speaker Pantaleon Alvarez na kukwestyunin niya ang legalidad ng pagkakahirang ni Sereno noong 2012 sa Korte Suprema. Pinagbabatayan niya ang testimonya ng mga taga Bureau of Internal Revenue na may buwis na hindi nabayaran ito at ng mga taga Judicial Bar Council (JBC) na may Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) na hindi nito naisumite. Kailangang isumite ng sinumang kandidato sa anumang posisyon sa hudikatura ang kanyang kumpletong SALN sa JBC. Binabalak pa lang ito ni Alvarez, ginawa na ni Atty. Oliver Lozano. Sa parehong kadahilanan, nagsampa sa Korte Suprema ang abogado upang ipawalang-bisa ang 2012 appointment ni Sereno.
Dumidistansiya ang Palasyo sa impeachment ni Sereno. Wala raw kinalaman si Pangulong Duterte dito. Pero nagsimulang mamuhi ang Pangulo kay Sereno nang ito ay lumiham sa kanya tungkol sa pitong hukom na inihayag niyang nasa drug list. Iyong isang hukom, aniya, ay siyam na taon nang tinanggal sa serbisyo, samantalang iyong isa ay pinatay ng mga drug lords walong taon bago iyong pahayag ng Pangulo. Samantalang iyong apat ay hindi naman tumatangan ng drug cases. Isa lang ang may kaugnayan sa droga dahil siya ang hukom ng korteng itinalaga na naglitis ng mga kaso tungkol dito. “Nababahala ako sa kanilang kaligtasan at kakayahang ipagpatuloy pa ang kanilang tungkulin pagkatapos na mabanggit ang kanilang pangalan. Ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magdisiplina sa mga hukom.
Upang mapangalagaan ang papel ng mga hukom bilang protektor ng karapatan ng mamamayan sa Saligang Batas, mariin ko silang pinaaalalahan na huwag sumuko o mapanagot ng mga pulis nang walang warrant of arrest,” sabi ni Sereno sa kanyang liham. Ginawa ito ni Sereno sa kasagsagan ng pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo kung saan ay marami nang napapatay. Sa panahong iyon, walang makaimik sa pagkabigla sa ginawa ng Pangulo sa hangarin niyang matigil ang droga. Kaya, si Sereno ang una, o ilan sa mga naunang ipinakita ang pagtutol sa polisiya ng Pangulo.
Kaya, mahirap paniwalaan na gumalaw ang mga mambabatas na walang kumpas ang Pangulo. Bakit hindi ganito ang gawin ng Pangulo at ng kanyang mga tagasunod na mambabatas laban sa mga responsable sa pagpapakalat ng bakunang Dengvaxia lalo na ang nagbenta nito? Malupit tayo sa kapwa nating Pilipino, pero napakabait natin sa mga dayuhan gaya ng Sanofi Pasteur.