DAHIL sa kaso ni Joanna Demafelis ay nabigyang-pansin ng pamahalaan ng Kuwait at ng Pilipinas ang mga problema ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa nasabing bansa. Nawala si Demafelis isang taon na ang nakalilipas at tanging ang mga kamag-anak niya ang nag-alala sa kanya—hanggang nitong Pebrero 9 nang sabihin ni Pangulong Duterte na nadiskubre ang kanyang bangkay sa isang freezer sa abandonadong apartment ng mga dati niyang amo, isang Lebanese at misis nitong Syrian.
Ipinag-utos ng Pangulo na itigil ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait at nag-alok ng transportation assistance sa lahat ng OFWs na nagnanais makauwi mula sa Kuwait. Libu-libong Pinay na naglilingkod bilang kasambahay gaya ni Joanna ang umuwi. Siniguro ng pamahalaan ng Kuwait na tutugisin ang mga responsable sa pagkamatay kanyang at makalipas ang ilang araw ay inihayag ang pagkakaaresto ng mga dating amo ni Joanna sa Lebanon at Syria.
Nasa 180,000 ang mga OFW sa Kuwait— karamihan ay kasambahay tulad ni Joanna ngunit mayroon ding mga propesyunal gaya ng doktor, engineer, teacher, at seaman. Mas maraming OFW sa Saudi Arabia—1.2 milyon— karamihan ay nasa industriya ng langis, medisina, at serbisyo, ngunit mayroon ding mga kasambahay. Ngayong linggo, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Strategic Communication and Research Ernesto Abella na nag-iimbentaryo na ang DFA ng mga Pinay na kasambahay sa Saudi Arabia sa gitna ng mga ulat hinggil sa “maid trade” sa naturang bansa.
“We received reports that certain families and employees are in the habit of trading their household helpers among families,” sabi ni Labor Secretary Bello III. “Under the kafala or sponsorship system, the Arab sponsor-employee has control over the mobility of the migrant worker who is thus placed at the mercy of his employer.”
Ang mga napag-alaman ng mga grupo mula sa ating gobyerno, na kasalukuyang nasa Saudi Arabia at sa iba pang bansa sa Middle East, ay mapagkakatiwalaang basehan sa pagsusog sa umiiral na labor agreements, ayon kay Secretary Bello.
“The minimum demand of our President is that we will only deploy in countries where our workers are properly at effectively protected.”
Tinatanggap natin ang ganitong paraan upang alamin ang mga kondisyon ng ating mga OFW sa iba’t ibang bansa. Sa loob ng matagal na panahon, ang ating mga OFW ay napag-iwanan, ipinapadala sa hindi maayos na kondisyon sa pagnanais na makahanap ng trabaho.
Inaasam nating ang lahat ng ito ay mabago na. Sa kaso ni Joanna Demafelis, na ang bangkay ay nadiskubre sa freezer makalipas ang isang taon matapos siyang maiulat na nawawala, ay nagpagalit sa ating mga kababayan at mga opisyal, kaya ipinanawagan ni Pangulong Duterte ang isang country-by-country study upang alamin ang kalagayan ng mga OFW.
Nang pumutok ang mga pagpatay sa Kuwait, sinabi ni Pangulong Duterte sa Kuwait at sa iba pang bansa sa Gitnang Silangan: “We are poor, we may need your help, but we will not do it at the expense of the dignity of the Filipino.” Idineklara niya sa Saudi Arabia at sa iba pang bansa na magpapadala lamang ang Pilipinas ng mga manggagawa nito sa mga bansang tumitiyak sa kanilang kaligtasan.