Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Sa kabila ng pagtuligsa sa gobyerno, maaari pa ring magtungo sa Pilipinas si United Nations (UN) Special Rapporteur on Extrajudicial Killings Agnes Callamard upang makita ang magagandang tanawin, hindi upang imbestigahan ang mga namatay sa ilalim ng drug war.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque ilang araw matapos hilingin ni Iceland Minister for Foreign Affairs Gudlaugur Thór Thórdarson sa Pilipinas na tanggapin ang pagbisita ng UN Special Rapporteur nang walang kondisyon at limitasyon.
Hindi sang-ayon ang Malacañang na bumisita si Callamard, kilalang kritiko ng pamahalaan dahil sa drug war, sinabing ang lady Special Rapporteur ay mayroon nang konklusiyon bago pa man nito simulan ang imbestigasyon.
Ngunit nitong Sabado, sinabi ni Roque sa mga mamamahayag sa Katipunan, Zamboanga del Norte sa kabila ng kanilang pagtutol, maaari pa ring magpunta si Callamard sa Pilipinas ngunit hindi dapat nito imbestigahan ang umano’y extrajudicial killings.
“Welcome po siya dahil after all, we welcome all tourists,” ani Roque.
“Kaya lang ang masama doon huwag niyang palalabasin na nag-imbestiga siya kasi ang pagpasok sa Pilipinas, hindi naman po iyan katumbas ng pag-iimbestiga,” dagdag niya.
“So kung siya po ay papasok sabihin niya, nagkaroon siya ng obserbasyon bilang turista,” patuloy ni Roque.
Sa oras na magdesisyon si Callamard na magtungo sa Pilipinas bilang turista, sinabi ni Roque na irerekomenda niya sa UN Special Rapporteur na maligo sa mga sikat na dalampasigan sa bansa.
“So kapag pumasok po siya ay aanyayahan po namin siyang lumangoy sa malamig na tubig ng Pasig River,” sambit ni Roque.