Sinulat at mga larawang kuha Ni LEANDRO ALBOROTE
HANDANG-HANDA na ang Provincial Government of Tarlac para sa gaganaping ikalawang Kanlungan ng Lahi (KanLAHI) Festival mula March 5 hanggang 10 na magtatampok ng kultura at tradisyon ng mga residente ng lalawigan.
Ang pormal na pagbubukas ng aktibidad ngayong araw ay lalahukan ng mga empleyado sa Bulwagan ng mga Gubernador sa Kapitolyo na susundan ng press conference.
Magkakaroon din ng Tarlaqueño Food Festival at Trade Fair na isasagawa sa Rotary Lane at Centro Merkato, at ang agri-farm exhibit ay gaganapin sa Centro Organico.
Ang pangalawang Tarlac national painting contest ay gagawin sa Museo ng Tarlac, at kinagabihan ay magkakaroon ng battle of the bands sa Centro Merkato.
Bukas, tampok naman ang palaro ng lahi, flora and fauna, pet show, Philippine tapestry fashion show and Tarlaqueño Got Talent na gaganapin sa Maria Cristina Park. Magkakaroon din ng chalk competition sa Capitol grounds.
Magaganap ang inaabangang street dancing competitions sa Miyerkules na magmumula sa F. Tañedo Street hanggang Maria Cristina Park (March 7), at sa gabi ay ang Binibining KanLAHI Pageant Night na masasaksihan sa park.
Nakatakda ring isagawa sa Huwebes ang Zumba Fest sa Maria Cristina Park, at ang Jose V. Yap Sports and Recreational Park ang magho-host sa Paralympic games. Ang variety show na tatampukan ng popular movie and television celebrities ay gagawin din sa park.
Isasagawa naman sa Biyernes ang Governor Susan Yap Shootfest sa Culipat Firing Range. Magiging host din ang Centro Merkato sa dance competition, at Mr. Tarlac 2018 na kinagabihan sa Maria Cristina Park.
Sa huling araw ng aktibidad (sa Sabado, Marso 10) ay masasaksihan ang Obstatrail and Enduro Racing sa Jose V. Yap Sports and Recreational Park, car and motor show sa Centro Merkato; motocross competition sa Binauganan Race Track, mobile passporting sa Bulwagan ng mga Gubernador, grand parade of floats and drum and lyre competition sa F. Tañedo Street, Tarlac City papuntang Maria Cristina Park, at saya king dalan sa nasabi ring park.