Ni BELLA GAMOTEA
Pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga aplikante at magre-renew ng passport laban sa mga fixer, kasunod ng pagkakaaresto sa 23 indibiduwal na umano’y nagbebenta ng passport appointment slots.
Kasong estafa ang isinampa laban kina Nenita Ugalde, 63; Noelito Ventura, 46; Marlon Narvaez, 35; Amalia Tagarilo, 44; Marilyn Tabay, 52; Michael Montel, 42; Alejandra Sacdalan, 48; Jonathan Tagarino, 46; Yolanda Villanueva, 45; Gina Carbon, 47; Maila Caluya, 47; Ligaya Banares, 63; Zaldy Pelonia, 52; Lilia Felix, 54; Roselyn Oliveros, 28; Rosalinda Zamora, 40; Criza Mae Castor, 24; Aileen Casita, 51; Marivic Arojo, 33; Mark Justine Doromal, 29; Ricardo Rojas, 50; Vilma Evite, 46; at Evangeline Soriano, 52.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, nalambat ang mga suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa ASEANA, Parañaque; Libertad sa Pasay at Gate 3 Plaza sa Taguig City, matapos magpanggap na passport applicant ang ilang pulis makaraan ang surveillance simula nitong Pebrero 15.
Mismong DFA ang humiling ng surveillance laban sa mga suspek nang mabalitaan na mayroon umanong fixers na nagbebenta ng passport appointment slots.
Pinasalamatan ni Ricarte B. Abejuela III, acting director ng Passport Division of the Office of Consular Affairs, ang SPD sa mabilis na aksiyon laban sa mga umano’y fixer.
Kasabay nito, binalaan ni Abejuela ang mga indibiduwal o grupo na magpapatuloy sa illegal na gawain sa DFA.
“Ang pag-schedule po ng appointment online ay libre at wala pong bayad, at ang mga Facebook posts na nagsasabing nagbibigay ng passport appointments ay pawang mga scam,” paalala ni Abejuela.