Ni Bert de Guzman
HINDI matatawaran ang puwersa ng mga kabataang mag-aaral. Sa Indonesia, malaki ang nagawa ng student power para mapabagsak si Indonesian President Suharto. Nagkaisa ang mga estudyante laban sa kanya bunsod ng umano’y kurapsiyon at pagmamalabis sa poder. Tumayo at nag-alsa ang mga estudyante laban kay Suharto na mahigit tatlong dekada sa puwesto.
Sa Pilipinas, unti-unti na ring nagkakamalay at sumisigla ang kilusan ng mga estudyante. Sa ilang unibersidad, tulad ng UP, Polytechnic University of the Philippines, UST at iba pa, nagpoprotesta at lumalabas sila sa mga klase upang kondenahin ang umano’y extrajudicial killings, pagsikil sa press freedom at tendensiya ng pagiging diktador ng administrasyon. Itinanggi ng Palasyo na sinisikil ang press freedom at nagiging diktador ang Pangulo.
Mahigpit na itinanggi ito ng Malacañang. Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque, hindi pinahihintulutan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang EJks, pagsikil sa malayang pamamahayag at kailanman ay hindi siya magiging autocrat o diktador.
Malaki ang posibilidad na hindi makapasa ang Divorce Bill sa Senado kumpara sa House of Representatives (HoR) na isa raw rubber stamp ng Palasyo. Sabi nga nila, malaki ang bilang ng mga kongresista kumpara sa Senado, pero higit daw matitino at matatalino ang nasa Mataas na Kapulungan kaysa nasa Mababang Kapulungan.
Meron pa rin daw ilang matitino at matatalinong senador (ayon kay Tata Clemen Bautista). Hindi lang daw matitino at matatalino kundi “tapat at mapagmahal” pa sa kanilang mga ginang. Binanggit niya sina Sen. Kiko Pangilinan kay Sharon Cuneta at si Sen. Tito Sotto kay Helen Gamboa.
Si Sen. Kiko ay tiyak na makikinig kay Shawie. Si Tito Sen. ay hindi makatatanggi kay Helen. Tiyak na hindi papayag ang dalawang ginang na hiwalayan sila ng mga ginoo. No way, ‘ika nga. So, tiyak na kokontra ang dalawang senador na ipasa ang Divorce Bill.
Sa Kamara, malakas ang hatak ng panukalang diborsiyo sapagkat mismong ang Speaker nito ang nangunguna sa pagtutulak para maipasa. Para kay Speaker Bebot, lalong palalakasin at patatagin ng diborsiyo ang sakramento ng kasal sapagkat magsisikap ang mag-asawa na panatilihin itong masigla at nagkakaunawaan.
Mukhang hiwalay na yata (bagamat hindi divorced) sina Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez at kanyang ginang. Mukhang may “other woman” siya tulad ni Davao Del Norte Rep. Antonio Floreindo. Itinutulak din ng Gabriela Party-List ang divorce bill sapagkat nais nilang makalaya ang mga ginang sa pag-abuso ng mga ginoo, pambubugbog, pambababae at iba pang kalokohan.
Ang tunay daw na “pagsagasa” o epekto ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) ay mararamdaman ng taumbayan mula Mayo hanggang Agosto ngayong taon. Tataas daw ang presyo ng consumer goods o mga bilihin. Paano tayo makaiiwas sa TRAIN na ito ng Duterte administration?