Ni Clemen Bautista

SA Kongreso noon, kapag “International Women’s Day”, tampok ang mga pagdiriwang na ang mga Congresswoman mula sa iba’t ibang lalawigan ang nangangasiwa sa session. Pansamantalang isinasalin ang speakership, ang minority at majority leadership sa mga babaing mambabatas.

Sa isang session ng mga kababaihan sa Kongreso noong Marso 2006, isinulong at pinagtibay ang House Bill 3766 na lalong kilala sa tawag na “Act Providing for the Magna Carta for Women. Ito’y isang batas na nagdaragdag ng proteksiyon sa ating mga kababaihan. Napapanahon ang nasabing batas sapagkat hindi maikakaila na sa iba’tibang sektor ng ating lipunan, ang mga kababaihan ay madalas na biktima ng diskriminasyon, “sexual harassment” at iba pang uri ng pang-aapi at paglapastangan sa kanilang dangal at dignidad. Sa mga pabrika, paaralan, pelikula, telebisyon at iba pang business establishment na kanilang pinapasukan, at sa mga tahanan naman, marami sa ating mga kababaihan ang “battered wives” o biktima ng pambubugbog ng kanilang asawang tamad, batugan, drug addict, lasenggo at iresponsable sa pamilya.

Dahil sa nasabing mga pangyayari at pang-aapi, upang mabigyan ng proteksiyon ang ating mga kababaihan, isang batas din ang pinagtibay na nagtatanggol sa mga kababaihan. Ito ay ang “RepublicAct 9262” na lalong kilala sa tawag na “Anti-Violence Against Women and Their Children”. Upang ito’y maipatupad, itinatag ang “Women’s Desk” sa Philippine National Police (PNP), sa bawat police station sa lahat ng mga bayan sa lalawigan at lungsod sa ating bansa. May policewoman na hahawak at mag-iimbestiga sa mga kaso ng pang-aabuso sa ating mga kababaihan.

Sa ating makabagong panahon, bukod sa paglilingkod sa pamahalaan, ang mga kababaihan dito sa Pilipinas ay nangingibabaw na sa pribadong sektor tulad ng sining, academe, negosyo, mass media (print at broadcast) at iba pang larangan. Napatunayan na rin na nakarating na ang kababaihan sa antas ng pagkakapantay sa mga kalalakihan. Hindi lamang sa ehekutibong sangay ng pamahalaan kundi maging sa lehislatura at hudikatura. May mga babae na ring miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Maging sa panahon ng ating mga ninuno,ang mga kababaihan ay naging bahagi sa pagbibigay-ningning sa kasaysayan ng lahing Pilipino. Ang mga kababaihan ay natampok at nakilalang mga marangal, matapat at dakila sa mga alamat. Hindi na malilimot sina Prinsesa Urduja,ng Pangasinan (iginuhit siya sa isang mural painting National Artist na si Carlos Botong Francisco); Donya Maria Uray ng Sorsogon, at Donya Ana Clang, ang nagtatag ng Nagcarlan sa Laguna.

Sa kasaysayan, lalo na sa panahon ng panunupil at paninikil ng mga Kastila, hindi na malilimot sina Gabriela Silang, ang “Joan of Arc” ng Ilocandia; Teresa Magbanua, ang “Joan of arc” ng Bisaya; Trinidad Tecson, ng San Miguel, Bulacan; Gregoria de Jesus, ang Lakambini at unang babaing miyembro ng Katipunan; Marcela Agoncillo, isang makabayan at magandang taga- Taal, Batangas na tumahi ng ating Pambansang Watawat; Melchora Aquino o Tandang Sora, ang dakilang Ina ng Katipunan at Teodora Alonso, ang butihing ina ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.

Sa Bibliya, kung lalaki man ang unang nilikha ng Diyos, isang babae rin ang nagbigay aliw sa lalake at pinagmulan ng lahat ng tao---si Eva.

Sa sinapupunan ng isang Babaing Pinagpala, ang nagdala sa Anak ng Diyos na tumubos sa sangkatauhan. Si Dr. Jose Rizal ay may Maria Clara na buong pag-ibig at ginawang pangunahing tauhan sa kanyang nobelang “Noli Me Tangere”. Maging si Francisco Balagtas ay may isang Selya na nagsilbing inspirasyon sa pagkakasulat niya ng “Florante at Laura”.

Sa kabuuan, maging ang iba nating mga bayani at dakilang Pilipino ay babae ang naging mga inspirasyon at lakas sa likod ng kanilang mga tagumpay. Kaya, marapat lamang na sa lahat ng panahon at hindi lamang kung Buwan ng Kababaihan at “International Women’s Day” o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan na sila’y mahalin, igalang, ipagtanggol at parangalan.

At sa mga lalaking nambubugbog at nambubuntal ng asawa, tandaan nila lagi na:”ang babae ay minamahal, hindi binubuntal; ang babae ay iniirog, hindi binubugbog”.