BASE sa survey ng Social Weather Stations nitong Disyembre, ang bansang pinakapinagkakatiwalaan ng mga Pilipino sa ngayon ay ang Amerika—sa pagkakaroon ng 75 porsiyentong “much trust” laban sa pitong porsiyentong “little trust”, sa net score na plus-68. Kasunod ng Amerika ang Canada sa plus-55, at ang Japan sa plus-54. Ang sumunod na mga bansa na may “moderate trust” sa survey ay ang Singapore (+29), Malaysia (+20), Thailand (+19), Indonesia (+18), Brunei (+16), at Vietnam (+13), na pawang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ang sumunod na mga bansa na may “neutral trust” rating sa survey ay ang Myanmar (+8), Cambodia (+7), China (+7), at Laos (+3). Kabilang ang North Korea sa SWS at ito ay nakakuha ng “poor” sa pagkakaroon ng negative-19.
Sa nakalipas na mga buwan, naging prominente ang Amerika sa mga balitang binabasa ng mga Pinoy. Naging matalim ang mga salitang binitiwan ni Pangulong Duterte laban sa Amerika sa simula ng kanyang administrasyon, at piniling mas maging malapit sa Russia at China. Ngunit hindi bumaba ang rating ng Amerika sa opinion surveys na pinasagutan sa mga Pilipino.
Ang 50-taong American colonial rule, na ang political, educational, social at cultural values ay tinanggap at isinabuhay ng mga Pinoy, ay sinundan ng alyansa ng Amerika at Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pagkilala ng Amerika sa kalayaan ng Pilipinas noong 1946. Nagkaroon din ng mga paglilipat-bansa. Daan-daang libo ang lumipat sa Amerika; dalawang milyon sa mga ito ang nakatira roon ngayon.
Naging laman ng mga balita ang Canada nang naisin ng ilang opisyal nito na busisiin muna ang bentahan ng mga Canadian helicopter sa Pilipinas, sa pangambang gagamitin ang mga ito sa operasyon ng militar ng Pilipinas laban sa mga rebeldeng Pilipino. Ito ay walang saysay na pagtutol at kaagad na kinansela ng pamahalaan ng Pilipinas ang helicopter deal. Sa kabila ng lahat ng ito, lumabas sa survey na patuloy ang pagtitiwala ng mga Pinoy sa Canada, maaaring nakikita ito bilang malapit na kaibigan ng Amerika sa lahat ng bagay.
Kalaban ng Pilipinas ang Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Inalipin ng mga Hapon ang mga Pinoy sa loob ng tatlong taon.
Ngunit ngayon, itinuturing ang Japan bilang malapit na kaibigan ng Pilipinas. Hindi ito itinuturing na banta dahil sa uri ng konstitusyon na mayroon ito. Ito ay itinuturing na malapit na kaibigan ng Amerika. At, gaya ng ‘Pinas, may iringan ito sa China hinggil sa islang napapagitnaan ng mga ito.
Sobrang ganda ng kasalukuyang ugnayan ng Pilipinas at China, sa pagpili ni Pangulong Duterte na makipagtulungan sa China sa mga programang pang-ekonomiya. Nananatili tayong kumpiyansa sa naging pasya ng Arbitral Court sa Hague na sumusuporta sa ating pag-angkin sa South China Sea, na binabalewala naman ng China. Ngunit hindi pa panahon upang labanan ang China sa ating karapatan sa isla at sa ating exclusive economic zone sa South China Sea, ayon sa pangulo.
Isa itong praktikal na desisyon, ikinokonsiderang maimpluwensiya ang China sa mundo, ngunit makikita sa resulta ng SWS ang saloobin ng mga Pinoy at hindi ito maaaring balewalain ng ating mga opisyal.
Gaya ng sinabi ng tinitingala ng India na si Mahatma Gandhi, “There goes my people. I must follow them for I am their leader.” Nagpahayag ng pananaw ang mga Pinoy sa huling SWS survey hinggil sa mga bansang kanilang pinagkakatiwalaan.
Habang inaalalayan tayo ng ating mga pinuno sa pagharap sa panloob at panlabas na problema ng ating bansa, hindi dapat nila balewalain ang sinasabi ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng mga survey na ito.