Ni Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, malaking balita noong nakaraang linggo ang hindi pagpapapasok sa Malacañang sa isang reporter ng Rappler na naka-assign doon. Ayon sa Presidential Security Group, utos raw iyon ng “nakatataas.” Hindi ito itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, at sinabi pa niyang “nabubuwisit” daw si Pangulong Duterte sa reporter, na isa sa mga nagbunyag tungkol sa umano’y pang-iimpluwensiya ng kanyang special assistant sa pagbili ng combat management system para sa mga barkong pandigma ng bansa. Fake news daw ang isinusulat ng nasabing mamamahayag, dagdag pa ng tagapagsalita ng Pangulo.
Tama bang gamitin ang pagkabuwisit ng Pangulo upang pigilan ang isang taga-media na gawin ang trabaho niya? Kung ganito ang magiging kalakaran sa Malacañang, hindi malayong bantayan ng mga taga-media ang kanilang sarili upang hindi nila mabuwisit si Pangulong Duterte, kahit pa ang ibig sabihin nito ay ang pagbabalita lamang ng mga maganda sa pandinig ng Pangulo, at ang hindi na kritikal na paghahanap sa katotohanan.
May mga nagsasabi tuloy na hindi nalalayo sa mga nangyari noong isinailalim tayo sa martial law ng diktador na si Ferdinand Marcos ang nangyayari ngayong mistulang pagpapaliit ng espasyo para sa malayang pamamahayag o press freedom. Upang walang kumuwestyon sa kanyang mga hakbang, pinatahimik at ipinasara ni Marcos ang mga himpilan ng radyo at TV noon. Kaya naman, hindi maiwasang isiping pahiwatig ang panggigipit sa Rappler ng layunin ng kasalukuyang pamahalaang impluwensyahan ang inilalabas na balita ng media—para ang “good, true, and beautiful” lamang ang lumabas.
Malinaw sa ating Saligang Batas na dapat kilalanin at igalang ng Estado ang freedom of the press o kalayaan sa pamamahayag, dahil proteksyon natin ito laban sa pag-abuso sa kapangyarihan ng ating mga pinuno. Sa pamamagitan nito, natitiyak nating ginagawa ng kinauukulan ang kanilang tungkulin nang matapat at matuwid, dahil una sa lahat, sa atin nagmula ang kanilang kapangyarihang mamuno.
Kinikilala rin ng Santa Iglesia ang mahalagang papel ng media sa paghahanap at pagpapahayag ng katotohanan—hindi lamang ng kung ano ang “good, true, and beautiful” para sa pamahalaaan. Sa Communio et Progressio, isang pastoral instruction na umusbong mula sa Second Vatican Council, sinabi ng Simbahang “unity and advancement” (o pagkakaisa at pagsulong) ng lahat ang layunin ng komunikasyon, ang larangan kung saan nakapaloob ang media. Tugma ito sa prinsipyo ng common good o ang kabutihan at kagalingan ng lahat, kaya’t masasabing banta sa common good ang anumang hakbang na tinatakdaan ng hangganan ang paghanap sa katotohanan ng mga mamamahayag. Kaya’t dapat tayong mabahala sa ginagawang panggigipit ng administrasyon sa mga kasapi ng media na kilalang masigasig sa paghahanap ng datos at impormasyon upang makita ng mga mamamayan ang totoo.
At dapat din nating asahan ang mga mamamahayag na maglingkod para sa kabutihan ng lahat, hindi ang maglingkod sa mga nasa kapangyarihang nais baluktutin ang katotohanan para sa kanilang interes. Gaya ng sinabi ng dating US Supreme Court Justice na si Hugo Black, “The press was to serve the governed, not the governors.” Humihingi ito ng responsableng pagganap nila sa kanilang tungkulin at ng tapang upang ungkatin at ibalita ang katotohanang dapat malaman ng lahat. Kung ang ibabalita lamang ng mga nasa media ay kung ano ang hindi makakapagpa-buwisit sa mga nasa poder, gaya ng ipinahihiwatig sa nangyaring pagharang sa reporter ng Rappler, magiging mailap ang katotohanang tutulong sa ating magkaisa at sumulong bilang isang bansa tungo sa tamang direksyon.
Tungkulin natin bilang mga Pilipino at bilang mga Kristiyano na tiyaking may malayang media. Katuwang natin ang malayang media, kaya’t huwag nating hayaang gamitin ang mga mamamahayag bilang instrumento ng pagtatago ng katotohanan at ng pagpapalaganap ng impormasyong kumikiling sa interes ng iilan.
Sumainyo ang katotohanan.