Ni DIANARA T. ALEGRE
GINAWARAN ng parangal bilang Best Newspaper (Tabloid) ang BALITA sa Ikalawang Gawad Parangal 2018 ng Guild of Educators, Mentors, and Students (GEMS) Hiyas ng Sining, na ginanap sa Center for Performing Arts ng De La Salle Santiago Zorel, Ayala Alabang Village sa lungsod ng Muntinlupa, nitong Biyernes.
Kinilala naman si Dindo M. Balares, entertainment editor ng pahayagang ito, bilang Best Newspaper Editor (Entertainment) sa prestihiyosong gawad parangal.
Pinarangalan din ang LIWAYWAY magasin ng Natatanging Hiyas ng Sining sa Panulat, ang pinakamataas na pagkilala ng GEMS. Ang BALITA at Liwayway ay parehong inililimbag ng Manila Bulletin Publishing Corp.
Masiglang umakyat ng entablado ang mga dumalong editorial staff ng BALITA upang tanggapin ang plake at tropeo ng pagkilala bilang pinakanatatangi sa lahat ng tabloids sa bansa, ganoon din ang mga kawani ng LIWAYWAY.
Sa kasaysayan, maraming beses nang kinilala at binigyang parangal ang BALITA. Sa loob ng 46 na taong paglilingkod sa mga mambabasa, ni minsan ay hindi ito nagpahuli sa paghahatid ng pinakamaiinit at pinakamahahalagang balita at makabuluhang opinyon ng mga eksperto.
Simula nang lumipat ang tanggapan sa Manila Bulletin Publishing Corp. sa Intramuros mula sa dating opisina ng Liwayway Publishing, kinilala ang BALITA bilang Best Newspaper in Filipino ng Gawad Tanglaw sa loob ng limang taong magkakasunod (2008 hanggang 2012). Dahil dito, BALITA rin ang pinarangalan ng kauna-unahang Best Newspaper in Filipino Hall of Fame ng Gawad Tanglaw noong Marso 2013.
Ang kasalukuyang mga kawani ng editoryal ng BALITA ay sina Jet Navarro-Hitosis, OIC; Edwin Rollon, sports editor; Ellaine Cal, Dianara Alegre, Bella Gamboa, Marichel , Rommel Tabbad, at DMB.
Samantala, maraming beses na ring umakyat ng entablado si DMB, na home grown writer/editor ng LIWAYWAY at BALITA. Sa loob ng tatlong taong magkakasunod ay tinanghal siya bilang Best Entertainment Columnist in Filipino (2012 hanggang 2014).
Gumawa siya ng kasaysayan noong Pebrero 2015, sa ika-13 Gawad Tanglaw Awards, nang pagkalooban ng Natatanging Gawad Tanglaw sa Sining ng Panulat na katumbas ng Lifetime Achievement Award.
“Sabi sa ‘kin ng discoverer ko na boss at editor namin noon sa LIWAYWAY, ‘Wag kang magpipigil ng galing. Sa mahuhusay na tao umaasa ang Diyos para maisaayos ang gusto Niyang ayusin sa mundo, hindi sa mahihina.’ Hindi rin pinigilan ng GEMS ang galing, kaya ngayong gabi, naririto, inipon ninyo ang pinakamahuhusay sa sining,” wika ng aming oragon na entertainment editor nang tanggapin ang parangal sa kanya.
Itinatag noong 2016 ni Norman Mauro A. Llaguno, pangulo ng organisasyon, ang GEMS ay samahan ng mga akademisyan mula sa iba’t ibang paaralan, mga propesyunal galing sa mga pribadong institusyon at sektor ng lipunan, at mga mag-aaral ng ilang prestihiyosong kolehiyo at pamantasan. Kinikilala at binibigyan nila ng karangalan ang pinakamahuhusay na alagad ng sining sa larangan ng panulat, tanghalan, radyo, telebisyon at pelikula.
[gallery ids="289649,289650,289651"]