Ni Beth Camia
Tatanggap na ng bagong subsidy o financial support ang aabot sa pitong milyong mahihirap na pamilya sa bansa simula sa susunod na buwan.
Tiniyak ng Department of Finance (DoF) na aabot sa P200 kada buwan ang tatanggapin ng nasa 7.4 na milyong pamilya bilang pangontra sa epekto ng Tax Reforms for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Nilinaw ni Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua na ang financial support ay hiwalay pa sa conditional cash transfer na natatanggap ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Tinawag ng DOF na “unconditional cash transfer” ang nasabing benepisyo, dahil hindi katulad ng CCT program, wala itong kaakibat na kondisyon.
Unang makatatanggap ng UCT ang nasa 4.4 na milyong 4Ps beneficiaries at nasa tatlong milyong senior citizen.
Kabuuang P2,400 para sa buong taon ang matatanggap ng bawat kuwalipikadong pamilya.
Pagsapit ng 2019, itataas sa P300 ang nasabing buwanang subsidiya, o may kabuuang P3,600 bawat taon.