Ni Mar T. Supnad
MORONG, Bataan - Iniutos na kahapon ni Morong, Bataan Mayor Cynthia Estanislao ang pagpapasara sa tindahan ng Vietnamese bread na sinasabing nakalason sa mahigit 300 katao, karamihan ay estudyante, nitong Martes.
Inilabas ng alkalde ang hakbang kasabay na rin ng utos nito na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.
Naiulat na isinugod ang mga biktima sa magkakahiwalay na ospital sa Bataan at sa kalapit na lalawigan dahil na rin sa pagdagsa ng mga naapektuhan ng umano’y food poisoning matapos silang kumain ng hamburger na banh mi.
“It is very unfortunate due to the illnesses after eating banh mi, a combination of meat and vegetable. But there are now only 18 patients who remain confined and are set to be discharged,” sabi naman ni Dr. Jorge Estanislao, asawa ng alkalde.
Kaugnay nito, pinasalamatan ng alkalde ang mga tauhan ng rural health unit sa maayos na pag-asikaso sa mga pasyente sa kabila ng pagdagsa ng mga ito.
Tiniyak naman ni Dr. Rosanna Bucchan, provincial health officer, na ilalabas nila sa publiko ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon sa usapin.