Ni Mary Ann Santiago

Patay ang isang purok coordinator habang sugatan ang kasamahan nitong obrero makaraang pagbabarilin ng apat na hindi kilalang suspek sa ipinagagawang bahay sa Antipolo City, Rizal, nitong Huwebes ng madaling araw.

Ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi batid na kalibre ng baril ang sanhi ng agarang pagkamatay ni Rico Picar y Barlis, 44, may asawa, ng Sitio Sampaguita, Barangay Sta. Cruz, Antipolo City.

Samantala, nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang kasamahan niyang si Jose Abarera, 29, binata, laborer, nakatira sa nabanggit na lugar, na nabaril sa paa.

Sa ulat na ipinarating ni Senior Insp. Cherrylyn Jompilla Agtarap, ng Public Information Office ng Rizal Police Provincial Office, dakong 12:05 ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril sa ginagawang bahay ni Picar sa Sitio Sampaguita sa Bgy. Sta. Cruz, Antipolo City.

Probinsya

Sarangani Island sa Davao Occidental, niyanig ng magnitude 5.9 na lindol!

Biglang dumating sa lugar ang apat na armadong lalaki at kinausap si Picar sa hindi pa batid na dahilan bago binaril nang ilang beses sa katawan, habang minalas namang tamaan ng ligaw na bala sa paa si Abarera.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operativions (SOCO) team, sa pangunguna ni Chief Insp. Ruben Apostol, narekober ang walang basyo at isang tingga ng bala at isang cartridge sa tabi ng bangkay ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ang Antipolo City Police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa pagpatay.