Ni Mina Navarro

Nakatakdang i-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese fugitive na pinaghahanap ng awtoridad sa Beijing dahil sa economic crimes.

Pauuwiin ang 36-anyos na si Jiang Yabo matapos siyang maaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng kawanihan.

Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na nasa paliparan si Jiang upang ihatid ang kanyang mga magulang na paalis ng China nang mahuli ng mga tauhan ng BI sa labas ng NAIA Terminal 2.

​“We will deport him for being an undesirable and undocumented alien, after the Chinese government cancelled Jiang’s passport,” ani Morente.

National

Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP

Aniya, nakapaglabas na ang BI Board of Commissioners ng summary deportation order laban kay Jiang noong Oktubre 27, 2016 makaraang humingi ng tulong ang Chinese Embassy sa Maynila.

Kabilang si Jiang sa wanted list ng Chinese Police noong Agosto 2016 ng Jianye Branch of the Municipal Public Security Bureau sa Nanjing, Jiangsu province sa China.

Hindi naman idinetalye ng Chinese Embassy ang kaso ni Jiang maliban na siya ay wanted dahil sa pagkakasangkot sa economic crimes.

Sa record ng BI, hindi umalis si Jiang sa Pilipinas simula 2016, at sa nasabing taon ay napabilang siya sa wanted list ng Chinese government.