Ni Merlina Hernando-Malipot
Mas mababa na ngayon ang ipaiiral na passing score ng Accreditation and Equivalency (A&E) Test dahil na rin sa pagkaunti ng pumasa sa nakaraang pagsusulit sa Alternative Learning System (ALS).
Ito ang inihayag kahapon ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones at sinabing napansin nila sa nakaraang ALS A&E test na kaunti lamang ang pumasa rito.
Gagawin na lamang, aniya, na 60 porsiyento mula sa dating 75 porsiyento ang passing score sa A&E.
Tinukoy nito ang nakaraang resulta ng pagsusulit noong Nobyembre 2017 kung saan mas marami ang bumagsak—ang pinakamababa sa kasaysayan.
Kumpara sa test results noong 2016, ang huling A&E test results para sa elementarya ay nasa 16.5 porsiyento mula sa 38%. Ang resulta ng A&E test sa Junior High School (JHS) ay bumulusok din sa 15.6% mula sa 57% noong 2016.
Kasunod nito, si Briones “immediately directed” ang mga Curriculum and Instruction bureau ng DepEd na magsumite ng lahat ng mahahalagang datos at impormasyon tungkol sa kasalukuyan at dating pagsusulit.
“My intent was to ascertain the reasons for the drop in performance, and to evaluate whether there were factors that affected the fairness of the tests to learners,” ani Briones.